ARMY MAJOR PINATAY, SUSPEK NA ARMY CAPTAIN NAG-SUICIDE

CAMARINES SUR – Patuloy na iniimbestigahan ng Bicol PNP at ng pamunuan ng Philippine Army ang motibo sa pagpaslang sa isang Philippine Army major sa loob ng Camp Weene Martillana at pagkaraan ay nag-suicide ang suspek na isang Army captain noong nakalipas na linggo sa bayan ng Pili sa lalawigang ito.

Habang isang non-commission officer ang nasugatan sa nasabing shooting incident sa loob mismo ng military camp, na kinilalang si Sgt. Manuel Colico Jr.

Ayon sa inisyal na ulat na ibinahagi ni Maj. John Paul Belleza, Army’s 9th Infantry Division Public Affairs Office chief, nangyari ang pamamaril bandang 1:30 ng madaling araw sa loob ng Finance Satellite Unit ng nasabing kampo.

Kinumpirma ni Philippine Army spokesman, Col. Xerxes Trinidad, kapwa nakatalaga ang dalawang namatay na opisyal sa 5th Finance Service Field Office ng Finance Center.

Kinilala ang biktima na Maj. Gary Masedman, finance executive officer ng 5th Finance Service Field Office na nasa loob ng Phil. Army 9th Infantry Division,

Habang ang suspek naman na sinasabing nagbaril sa sarili matapos ang pamamaslang ay kinilalang si Captain Martin Anosa Jr.

“Nagkataon po na itong si Capt. Martin P. anosa Jr. ay binaril po si Maj. Masedman at injured itong si Sgt. Colico after ng isang heated argument ano sa kanyang girlfriend dun sa Camp Weene Martillana, San Jose, Pili, Camarines Sur, so ito pong bagay na ito ay isang insidente na still under investigation and itong imbestigasyon po ng Phil. Army is para malaman po natin kung ano po ang mga puno’t dulo at the same po ay maiwasan natin po ang mga ganitong…(insidente), pahayag ni Col. Trinidad.

Base sa inisyal na report, nagkaroon ng matinding pagtatalo si Capt. Anosa at kanyang kasintahan na nauwi umano sa pagsusumbong ng babae sa CO ng nasabing tanggapan. Subalit sumunod pala ang suspek at nang makita ang nasabing opisyal ay pinagbabaril ito at kasamang nahagip ng bala ang sugatang sarhento.

Tumakas ang suspek subalit makaraan ang ilang oras ay nakita itong patay na sa loob ng kanyang kuwarto at hinihinalang nagbaril sa sarili. (JESSE KABEL)

239

Related posts

Leave a Comment