Pancho Villa: Greatest Filipino Fighter of All-Time

NAGDIWANG ang buong bansa Hunyo 18, 1923 sa balitang pinatulog ng Pilipinong boksingero na si Pancho Villa si Jimmy Wilde ng Wales upang makuha ang pandaigdig na kampeonato at maging kauna-unahang Pilipino, at Asyano na naging world champion.

Sumipol ang mga barko at lahat ng planta ay sumirena para ipahayag sa apat na sulok ng Pilipinas ang pagsulpot ng isang bagong kampeon na hindi Amerikano o European. Ubos lahat ang ekstrang edisyon ng mga pahayagan sa Kamaynilaan. Kaliwa’t kanan din ang panayam sa maybahay ni Pancho, si Gliceria y Concepcion na naiwan sa Maynila nang bumiyahe sa New York para lumaban ang kanyang kabiyak.

“You cannot imagine the happiness I felt upon receiving the first notices of the victory of my husband. I cried not because of pain but emotion. I was hoping for his triumph,” pahayag ni Gliceria sa artikulong isinulat ni Eric Giron, editor noon ng Saturday Mirror magazine.

Ayon pa kay Gliceria, dininig ng Mahal na Poong Nazareno ang kanyang panalangin sa araw-araw na pagbisita sa simbahan ng Quiapo simula nang umalis ang kanyang asawa. Pinadalhan din aniya ng mensahe si Pancho matapos lupigin ang kalaban na nagsasaad ng: “We are very happy. All Manila celebrates your triumph. We hope you will return soon.”

Personal na binati naman ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kababayang bagong world champion. “Congratulations, Pancho! Come back to us and defend your title here.”

Pagbalik sa Pilipinas ay sinalubong na parang bayani si Pancho sa kanyang pagbaba sa barkong SS President Grant, ang sasakyang dagat na ­naghatid din sa kanya patungong Estados Unidos noong Abril 2, 1922. Naghandog din si Pangulong Manuel Quezon ng magarbong piging sa Malakanyang, kasunod ng mahabang parada na dumaan sa malalaking kalye sa mga pangunahing lungsod sa Kamaynilaan.

Makaraan ang ilang linggong pagtigil sa Maynila, binisita ni Pancho ang Rodriguez Farm sa La Carlota kung saan niya ginugol ang kanyang kabataan. Ilang araw pa ang lumipas ay nakatanggap naman siya ng tawag sa telepono mula sa kanyang Amerikanong promoter na si Frank Churchill na nagsabing kailangan niyang bumalik agad sa Amerika upang harapin ang welterweight na si Jimmy McLarnin. Gaganapin ang laban sa Oakland, California ika-4 ng Hulyo 1925, pagdiriwang ng kalayaan ng naturang bansa.

Pumirma si Pancho ng kontrata Hunyo 8, ­subalit sa pagtatapos ng buwan ay namaga ang kanyang mukha dulot ng ulcerated tooth. Bunsod nito hiniling ni fight promoter Thomas Simpson sa manager ni McLarnin na si Pop Foster na ipagpaliban ang paghaharap ng dalawang boksingero. Subalit tinutulan ito ng Pilipino at iginiit na ituloy ang laban sa kabila ng sakit na nararamdaman.

Nagpadala si Simpson ng isang tauhan sa Oakland upang makita ang lugar na paglalabanan at matiyak na may mga fans na manonood. Wala pang Golden Gate noong panahong iyon.

Ganoon na lamang ang gulat ng tauhan ni Simpson nang makarating siya sa dulo ng San Francisco at makita ang libo-libong tao, karamihan ay mga Pilipino, na tumatawid sa Bay para panoorin ang Villa-McLarnin bout.

Tuloy ang laban! At sa kabila ng iniindang ­karamdaman ni Pancho at higit na mataas at malaki ang katawan ng kalabang si McLarnin, naging kampeon sa daigdig sa 147 libra, ginamit ng Pinoy ang kanyang lakas at bilis na sa tingin ng marami ay sapat para siya’y manalo. Ngunit sa huli ay nanalo ang Amerikano sa kontrobersyal na desisyon ng mga hurado.

Makalipas ang ilang araw, binunot ng dentista ang natitirang tatlong ngipin ni Pancho at pinayuhan ang Pilipino na magpahinga muna. Ngunit sa halip na sundin ang dentista, nag-host ng isang piging na tumagal ng ilang araw si Pancho, dahilan upang lalong lumala ang kanyang karamdaman.

Hulyo 13 sa parehong taon, makalipas ang pagsusuri ng doktor ay natuklasang may sakit na Ludwig’s angina or infection sa lalamunan ang Pinoy champ. Nang sumunod na araw, siya ay ipinasok na sa ospital kung saan siya ay binawian ng buhay sa operating table, 18 araw bago ang kanyang ika-24 kaarawan.

Oktubre 1991, si Pancho Villa ay iniluklok sa International Boxing Hall of Fame bilang PINAKA-DAKILANG BOKSINGERONG PILIPINO SA LAHAT NG PANAHON. Nakasaad sa plake niya ay: “A fast, two-fisted battler, an excellent boxer with a stinging left jab. His record was a splendid one.” At sa pagtatapos ng 20th century, siya ay pinangaralan din ng prestihiyosong Associated Press bilang “Best Flyweight” sa nakaraang 100 taon, kasama sina Sugar Ray Robinson na “Best Fighter of the Century” at Muhammad Ali na “Best Heavyweight of the Century.”

299

Related posts

Leave a Comment