SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES
NANG manumpang ika-17 Pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., malinaw ang kanyang prayoridad – sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat – pangarap na mabibigyang katuparan lamang kung isusulong ng pamahalaan ang pagpapalakas ng lokal na sektor ng agrikultura.
Sa mga nakalipas na panahon, sukdulang dusa ang inabot ng mga magsasaka. Dangan naman kasi, sa halip na tulungan ang mga magsasakang Pilipino, kumuha pa sa ibang bansa na kanilang ngayon ay kakumpetensya, sa bisa ng Republic Act 11203 (Philippine Rice Trade Liberalization Law) na isinabatas taong 2019.
Sa gitna ng umiiral na problemang makailang ulit nang idinudulog ng mga magsasaka, nagpasya ang Pangulo na siya mismo ang tumayong pansamantalang kalihim sa departamentong mandato’y isulong ang mga pangakong programang magbabangon sa lugmok na kalagayan ng mga mangingisda at magsasaka, habang naghahanap pa rin ng tamang taong makatutuwang sa nasabing ahensya.
Ang totoo, hindi mahirap humanap ng makatutulong niya sa pagresolba ng suliranin ng agrikultura kung saan agresibo ang agrikultura – saan pa nga ba kundi sa lalawigan ng Pangasinan kung saan nagmumula ang 68.35% ng palay sa Ilocos region.
Sa bayan ng Bayambang, hayahay ang mga magsasaka. Dangan naman kasi, ang lokal na pamahalaan, todo-suporta sa kanila. Mula sa binhi, pataba, patubig, makinarya sa pagsasaka, patuyuan, gilingan, hanggang sa paghahanap ng matinong kausap na hindi babaratin ang ani mula sa naturang bayan.
Bakit nga naman hindi – sa nakalipas na mahabang panahon, kilala bilang agricultural country ang Pilipinas. Ang siste, nanganganib na bumaba ang produksyon ng palay sa Pangasinan at Nueva Ecija dahil sa pagtaas sa presyo ng mga pataba sa lupa, patubig at krudong ginagamit sa mga sakahan.
Dito higit na kailangan ang tamang tao sa departamento – isang Pilipino na alam kung gaano kahirap ang maging magsasaka. Pero teka, sino nga ba ang pwedeng makatuwang ng Pangulo.
Ayon mismo sa mga magsasaka, kailangan ng sektor nila ang isang katulad nilang maglulupa. Sa halos 1,700 na alkalde sa buong bansa. Dalawa lang ang kilala kong galing sa hanay ng mga magsasaka – isang taga-Bohol at ang dating mayor ng Bayambang – si Cezar Quiambao, masugid na taga-suporta ni Pangulong BBM mula sa Solid North.
At ang ibang mayor? Sa tuwing kampanya lang sila nakatutuntong sa mga pilapil sa bukid. Baka nga ultimo pagbubunot ng damong ligaw, hindi pa nila kaya.
Bakit ko tinukoy si Quiambao? Sa maniwala kayo’t hindi, hindi ko siya personal na kilala. Hindi pa nga kami kailanman nagkita. Pero sa mga nabasa at napanood ko sa tulong ng internet, lumutang ang pangalan niya.
Bakit hindi? Sa bayan nga niya, nagtagumpay siya kahit limitado ang kanilang pera. Sa kanilang lokalidad, maayos ang buhay ng mga magsasaka. Dapat sigurong subukan ng Pangulo ang kanyang kakayahan sa Department of Agriculture bilang Undersecretary niya – lalo pa’t higit na maraming problema pa sa iba’t ibang sektor ang nangangailangan ng kanyang kalinga.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
231 