MAGKASABAY ang mag-amang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos na nagpa-second booster shots laban sa COVID-19, araw ng Miyerkoles.
Ang kanilang booster shots ay isinagawa sa SM City sa Lungsod ng Maynila kasabay ng pag-arangkada ng “PinasLakas” vaccination campaign.
Si Department of Health officer-in-charge Dr. Maria Rosario Vergeire ang nag-administer ng Pfizer COVID-19 booster vaccine kay Pangulong Marcos habang si Manila Mayor Dr. Honey Lacuna ang nagturok ng parehong brand ng bakuna kay Rep. Marcos.
Matatandaang, dalawang beses nang tinamaan ng COVID-19 si Pangulong Marcos. Ang Una ay Marso 2020 at pangalawa nito lamang Hulyo.
Sinabi ng Chief Executive, kung hindi siya fully vaccinated at nakatanggap ng booster shot laban sa COVID-19, posibleng mas lumala ang kanyang impeksyon.
Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang publiko na magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Nanawagan ang Pangulo sa mga lokal na opisyal na suportahan ang booster campaign ng administrasyon upang ligtas na maipagpatuloy ang face-to-face classes at para na rin maging “fully recover” ang ekonomiya ng bansa mula sa health crisis. (CHRISTIAN DALE)
329
