(CHRISTIAN DALE)
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin na “back to full function” ang medical facilities sa mga lugar na apektado ng Super Typhoon Karding (international name Noru).
Ito ay matapos iulat ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na may ilang medical facilities sa Nueva Ecija ang nagtamo ng pinsala dahil sa malakas na ulan at hangin na bitbit ni bagyong “Karding.”
Sa katunayan, dahil kay ST Karding ay nabasag ang mga salamin ng rural health unit, natuklap ang mga bubong ng infirmary at nagkaroon ng butas ang mga bubong ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa lalawigan.
“The hospitals, just get them back to full function,” ang wika ni Pangulong Marcos sa isinagawang situation briefing kasama ang matataas na opisyal ng pamahalaan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Quezon City.
Patuloy pang ina-assess ng DOH regional teams ang nasabing health facilities na gumagana at patuloy ang operasyon sa kabila ng pinsalang natamo dahil sa bagyo.
Hindi naman maiulat agad ng DOH ang mga pasyenteng kailangan nang alisin mula sa mga nasabing ospital.
Gayunman, mayroon aniyang isang pasyente ang inilipat mula sa infirmary.
Sa kabilang dako, tiniyak ni Vergeire na ang DOH ay mayroong Quick Response Funds na maaaring gamitin para kumpunihin ang mga napinsalang health facilities.
Naghahanda rin aniya ang departamento ng “backup power sources” sa gitna ng power interruptions sa lalawigan.
Agad ding iniutos ni Pangulong Marcos Jr. sa Department of Energy na mag-deploy ng generators na may karga nang gasolina sa Nueva Ecija at Aurora.
Ito’y sa gitna ng limitadong power supplies sa Nueva Ecija at Aurora.
Inatasan din ng Pangulo ang Department of Social Welfare and Development na siguraduhin na sapat ang suplay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng evacuees o bakwit.
32 Lungsod at Bayan
Nasa State of Calamity
Isinailalim na ang 32 mga lungsod at munisipalidad sa state of calamity.
Inihayag ito ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles sa gitna ng patuloy na assessment na ginagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa pinsala ng bagyong Karding.
Wika ni Cruz-Angeles, may 60,817 katao ang apektado ng bagyo kung saan, 46,000 ang nananatili sa evacuation centers.
Gayunman, sinabi ni Cruz-Angeles na ‘minimal’ pa rin ang naging epekto ng bagyo at malaking bagay aniya ang ginawang maagang paglilikas ng mga tao.
Balik-Byahe sa Dagat
Maaari na muling makapaglayag ang lahat ng sasakyang pandagat dahil nakalabas na ng bansa ang Super Typhoon Karding.
Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Allan Balilo na maganda na ang panahon ngayon kaya’t pinapayagan na makabiyahe ang lahat ng mga sasakyang pandagat.
Sa kabilang dako, pinayuhan ni Balilo ang maliliit na bangka na laging mag-monitor sa forecast ng PAG-ASA.
Ani Balilo, makabubuti na tingnan lagi ang lagay ng panahon bago bumiyahe at magmonitor kung may nakababang gale warning.
Aniya pa, sa ganitong mga panahon ay dapat ding tingnan ang kakayahan ng bangkang ginagamit habang dapat ding masiguro kung may ahensiya ng gobyerno na siyang magbibigay ng clearance bago makapaglayag ang isang sasakyang pandagat.
Emergency Loan
Ikinasa ng GSIS
Kaugnay nito, handa nang magproseso ang Government Service Insurance System (GSIS) ng kanilang emergency loan program para sa mga miyembro at pensioners sa Luzon na labis naapektuhan ng bagyong Karding.
“We have allocated Php4 billion for our emergency loan budget this year so we are ready to help our kababayan in Luzon. We will ensure that the loan assistance will be available to all qualified active members and old-age and disability pensioners based in the affected areas,” ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso.
Sinabi ng GSIS na ang mga miyembro na mayroon pang existing emergency loan balances ay maaaring makahiram ng hanggang P40,000 para bayaran ang kanilang dating loan balance at makatatanggap pa rin ang mga ito ng ‘maximum net amount’ na P20,000 mula sa kanilang bagong loan.
“Members with no existing loan and pensioners may borrow up to P20,000 emergency loan,” ayon sa GSIS.
“The emergency loan has a 6 percent interest that is payable in two years. Qualified to apply are members who are in active service and not on leave of absence without pay; have at least three months of paid premiums within the last six months; have no pending administrative or criminal case, and have a net take-home pay of not lower than Php5,000 after all required monthly obligations have been deducted,” ayon pa rin sa GSIS.
Ang mga miyembro at pensioners naman na hindi kwalipikado para ay maaaring mag- apply para sa GSIS Multi-purpose Loan Plus na may maximum loan na nagkakahalaga ng P5 million.
Ang pensioners ay maaaring humiram ng hanggang anim na buwan na halaga ng kanilang pensiyon o hanggang P500,000 sa ilalim ng enhanced Pension Loan program.
234 