KAMATAYAN SA BILIBID

NANG itaguyod ang mga piitan, layon nitong magsilbing pansamantalang kanlungan ng mga nagkasala sa batas para sa angkop na paghubog bilang paghahanda sa kanilang muling pag-anib sa lipunan sa hudyat ng kanilang kalayaan.

Sa loob ng bilangguan may mga inilatag na programa – edukasyon, hanapbuhay, kalusugan, pakikipagkapwa-tao at iba pang kapaki-pakinabang na aktibidades.

Gayunpaman, malayo sa layon ng penal system ang reyalidad na nagaganap sa likod ng malamig na mga rehas – ang bisyong dahilan ng kanilang pagkakakulong, meron din sa loob ng mga bilangguan. Ang ilegal na negosyong inakala ng lahat na nasawata na, tuloy lang pala ang ligaya. Ang mga taong nahatulan sa salang pagpatay, nagagawa pa ring kumitil ng buhay.

Lahat kasi ng meron sa laya, meron din sa loob — droga, alak, sugal, ­sigarilyo, telepono, babae, mga armas at sandamukal na kwarta.

Subalit higit pa sa mga naturang problema ang kinahaharap ng mga piitan. Sa pinakahuling datos ng Commission on Human Rights (CHR), lumalabas na hindi makatao ang sitwasyon sa loob ng mga kulungan sa pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor). Dangan naman kasi, apat na tao kada araw ang pumapanaw.

Katunayan, nasa 700 na preso na ang binawian ng buhay mula Enero hanggang Agosto dahil sa katandaan, karamdamang hindi nalunasan, hawaan sa loob ng masikip na kanlungan, patayan at iba pang gawa-gawang dahilan.

Ang totoo, hindi hamak na mas mababa ang bilang ng mga pumanaw na preso ngayong taon. Sa mahigit 48,000 preso sa mga piitang pinangangasiwaan ng BuCor, 1,166 ang namatay noong 2021.

Sa puntong ito, higit na angkop na muling rebisahin ang mga reglamentong ipinaiiral ng BuCor sa loob ng mga kulungan at maging sa mga tanggapan ng Department of Justice (DOJ) na siyang dapat nag-aasikaso sa mga bilanggong higit pa sa sentensya ang inilalagi sa mga piitan, mga matatandang dapat lang gawaran ng executive clemency at parole.

Huwag kalimutan – hindi dapat sentensyang kamatayan ang mga piitan. Ito’y institusyon para sa pagbabago ng mga nagkasalang tao, hindi impyerno tulad ng nangyayari sa kanila ngayon.

206

Related posts

Leave a Comment