LUHAAN ang maraming estudyante ng isang kolehiyo sa Taal, Batangas habang kakaba-kaba ang kanilang mga magulang dahil sa pangambang hindi na makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral dahil sa pagkaubos ng pondo ng kanilang inaasahang scholarship grant ng gobyerno sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHEd).
Ayon kay Jeannette Gonzales Catapang, magulang ng isang 2nd year college student ng Rizal College of Taal, dumalo sila sa ipinatawag na meeting ng kolehiyo subalit labis ang kanilang lungkot at ng iba pang magulang nang sabihing ubos na ang pondong inilaan ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) para sa scholarship ng kanilang mga anak.
Majority anya sa mga mag-aaral ng eskwelahan ay umaasa sa scholarship ng UniFAST para makapag-aral.
Kaya ayon dito, malaki ang posibilidad na hindi na makapagpatuloy ng pag-aaral ang karamihan sa mga estudyante sa susunod na semester.
Ang UniFAST ay isang attached agency sa ilalim ng CHEd na nilalayong ipatupad ang Republic Act 10931 o ang “Universal Access to Quality Tertiary Education Act.”
Kamakailan ay pinayagan ng Commission on Audit (CoA) ang paglalabas ng P7 bilyon pondo para sa UniFAST.
Sa kabila nito ay hindi naipatupad nang maayos ang programa at ang isinasaad ng batas.
Nagbunsod ito upang hikayatin ni Sen. Risa Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang umano’y maanomalyang pagpapalabas ng pondo sa naturang scholarship body.
Panawagan naman ng mga magulang na umaasa sa scholarship ng UniFAST na linawin ng mga sangkot sa pagpapatupad ng programa ang problema para makapagpatuloy ang kanilang mga anak sa pag-aaral sa kolehiyo. (NILOU DEL CARMEN)
719 