PAGTATALAGA KAY GADON ‘BLACK EYE’ KAY MARCOS JR.

(DANG SAMSON-GARCIA)

NANAWAGAN si Senator Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na muling pag-aralan ang pagkakatalaga kay Larry Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation o PAPA.

Ayon kay Hontiveros, dapat ikonsidera ng Pangulo ang appointment kay Gadon hindi lamang dahil na-disbar ito kundi na-cite in direct contempt din ang dating abogado sa unanimous vote na 15-0 ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

Sinabi pa ng senadora na ang isang dating abogado na nagdulot ng kahihiyan ay nakapagpawala ng kumpyansa sa gabinete ng Pangulo bukod pa sa wala namang pinanghahawakan na titulo at hindi rin eksperto si Gadon para bigyang katwiran ang kanyang appointment.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kung mananatili si Gadon sa gabinete ay posibleng mauwi ito sa demoralisasyon ng burukrasya dahil mas binibigyan pa ng insentibo ang isang opisyal na hindi na pinagkakatiwalaan ng korte.

Idinagdag pa ni Hontiveros na isa rin itong sampal sa legal professionals at black eye din sa magandang pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.

Ipinauubaya naman ni Senator Chiz Escudero kay Pangulong Marcos ang desisyon sa appointment kay Gadon dahil ang posisyon naman kung saan itinalaga ang former lawyer ay hindi kailangang miyembro ng Integrated Bar of the Philippines o isang abogado.

179

Related posts

Leave a Comment