PUV MODERNIZATION SUSUSPENDIHIN NI TRANSPORTATION SEC VINCE DIZON

KINUMPIRMA ni Senate President Francis Escudero na plano na ni Transportation Secretary Vince Dizon na suspendihin ang implementasyon ng Public Transport Modernization Program o Jeepney Modernization Program.

Sinabi ni Escudero na nakausap na niya si Dizon at sinabing sususpindihin ang programa habang hindi pa tapos ang pagrepaso rito.

Idinagdag ng Senate leader na nabasa na rin ng kalihim ng DOTr ang posisyon ng Senado na nagrerekomenda ng supensyon sa programa.

Tinukoy ni Escudero ang inaprubahan nilang resolusyon na nananawagan sa ehekutibo na ipagpaliban ang full implementation ng modernization program sa gitna ng mga agam-agam ng jeepney driver at operators.

Nanindigan si Escudero na hindi pa handa ang mismong mga ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng modernization program at wala pa ring pondo para rito.

Suportado naman ni Senador JV Ejercito ang suspensyon habang hindi pa naisasapinal ang pagrepaso rito.

Sinabi ni Ejercito na mas magandang mapag-aralang mabuti ang implementasyon ng programa upang matiyak na magiging epektibo ang pagpapatupad nito.

Hindi anya tamang ipatupad agad ang isang programa na hindi pa naman ganap na handa ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa implementasyon nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

39

Related posts

Leave a Comment