ANO NA ANG NANGYARI SA IMBESTIGASYON SA ANOMALYA NG TUPAD NOONG PANDEMYA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NOONG 2009, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).

Isa itong emergency employment program na ang layunin ay para tulungan ang mahihirap na walang trabaho, mga nawalan ng trabaho dahil sa kalamidad at iba pang kadahilanan.

Napakaganda ng layunin ng TUPAD at marami na itong natulungan, kasama na rito ang mga nasa “informal sector” o ‘yung mga taong walang regular na trabaho, kagaya ng mga nagtitinda sa bangketa, kargador sa palengke at iba pa.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng pansamantalang trabaho sa loob ng 10-araw hanggang 30-araw ang isang kwalipikadong benepisyaryo. Ang kanilang arawang sweldo ay batay sa umiiral na batas sa minimum wage kung saan sila magtatrabaho.

Subalit, ang TUPAD, katulad ng iba pang programa ng gobyerno, ay sinalaula ng ilang gahamang mga pulitiko sa Quezon City noong panahon ng pandemya.

Noong 2021, pumutok ang anomalya sa tatlong congressional districts ng nasabing lungsod. Ito ay ang Districts 1, 2 at 5, dahilan para suspindehin ni dating Labor Secretary Silvestre Bello III ang implementasyong ng TUPAD sa nasabing mga distrito.

Tatlong kongresista ang ipinag-utos ng Ombudsman noon na imbestigahan. Sila ay sina dating Quezon City District 1 Rep. Onyx Crisologo, District 2 Rep. Precious Hipolito, na parehong natalo noong 2022 election, at si District 5 Rep. Alfred Vargas, na noon ay nasa kanyang huling termino na at pinalitan sa pwesto ng kanyang nakababatang kapatid na si Rep. Patrick Michael Vargas.

Batay sa mga ulat, hindi bababa sa P59 million o maaaring higit pa ang nawalang pondo sa implementasyon ng TUPAD. Ang malungkot ay pinagnakawan ang maliliit at mga hikahos sa buhay na mga manggagawa sa pamamagitan ng “ghost beneficiaries” at ‘di pagbigay ng tamang pasweldo.

Sa nasabing kadahilanan, ipinag-utos noon ni Ombudsman Samuel Martirez ang isang “motu proprio investigation” laban kina Vargas at iba pang sangkot sa nasabing diumano’y talamak na nakawan at bulsahan sa milyun-milyong halaga ng pondo para sa implementasyon ng TUPAD.

Hiwalay rin na inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Vargas at mga kasama na, ayon kay Bello, ay may sapat na ebidensya na gagamitin sa isasampang patung-patong na mga kasong kriminal laban sa mga nabanggit na politiko at kasabwat nila sa diumano’y pagnanakaw ng napakaraming pera ng DOLE na inilaan sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa kasagsagan COVID-19 pandemic.

Ano na kaya ang nangyari sa imbestigasyon ng Ombudsman, NBI at ng DOLE-National Capital Region? At ano kaya ang naging resulta ng isinagawang audit ng Commission on Audit (COA) hinggil sa nawawalang pondo ng TUPAD?

Nararapat lang na malaman ng taumbayan kung saan napunta ang kanilang pera na nakalaan sa TUPAD. Kung hahayaan natin na makalusot ang nasabing anomalya sa TUPAD, binibigyan lang natin ng dahilan ang mga kurap na politiko na ipagpatuloy ang kanilang pananamantala sa kaban ng bayan at sa mamamayan, na siyang nararapat na magbenepisyo sa TUPAD at iba pang programa ng gobyerno.

Malapit na ang 2025 election, at maaaring kasama sa mga tumatakbo at nagpapa-re-elect ang mga mismong sangkot na politiko o ‘di kaya ang kanilang kapatid o kamag-anak. Kapag nahalal silang muli, parang binibigyan na rin natin sila ng permiso o bendisyon na ipagpatuloy ang kanilang mga maling gawain.

78

Related posts

Leave a Comment