KINUMPIRMA ito ng Supreme Court Public Information Office (PIO) kung saan mananatili sa kanyang posisyon si Atty. Camille Ting bilang opisyal na tagapagsalita ng Kataas-taasang Hukuman sa ilalim ng pamumuno ni bagong Chief Justice Rodil Zalameda.
Kasunod ito ng pagreretiro ni dating Chief Justice Alexander Gesmundo, na siyang nagtalaga kay Atty. Ting sa pwesto noong Abril 16, 2024.
Itinuturing na co-terminous ang SC spokesperson, o posisyong nagtatapos ang termino kasabay ng pagbaba sa pwesto ng chief justice na nagtalaga sa kanya.
Pero nasa buong diskresyon ng pumasok na Punong Mahistrado kung muli niyang itatalaga o papanatilihin ang kasalukuyang tagapagsalita.
Hindi na bago si Atty. Ting sa larangan ng public information at serbisyo sa Korte Suprema.
Nagsimula ang kanyang karera sa SC noong 2012 bilang isang news analyst sa Public Information Office (PIO), sa mismong kasagsagan ng impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona.
Naglingkod din siya ng siyam na taon sa Office of the Court Administrator sa ilalim ng pamumuno ni Justice Jose Midas Marquez, na kalaunan ay naging Judicial Staff Head at Chief of Staff nito mula 2021 hanggang 2024 nang maitalaga si Marquez bilang Associate Justice.
Nang mag-apply si Atty. Ting para sa posisyon matapos maglabas ang Korte Suprema ng notice of vacancy, apat silang aplikante na sumailalim sa proseso.
At sa apat na kandidatong ito, si Atty. Ting lamang ang tanging court insider o ang nag-iisang nagtatrabaho na sa loob mismo ng Korte Suprema. Ang tatlong iba pa ay mga aplikante mula sa labas ng institusyon.
Naging espesyal din ang proseso ng pagpili sa kanya dahil taliwas sa tradisyon kung saan ang chief justice lamang ang direktang pumipili ng tagapagsalita, ipinasailalim ni retired CJ Gesmundo ang apat na aplikante sa isang interview sa harap ng buong Korte Suprema, kasama ang lahat ng 15 Justices.
Matapos ang panel interview, nagkaroon ng botohan ang justices kung saan si Atty. Ting ang nakakuha ng mayoryang boto upang hirangin sa posisyon.
(JULIET PACOT)
23 