HINDI sumusuko si election lawyer Atty. Romulo B. Macalintal sa panawagang muling pag-aralan ng Korte Suprema ang desisyon nitong nagpatibay sa pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong 2026 at pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal.
Sa kanyang inihain na Motion for Partial Reconsideration na may kasamang Motion to Set the Case for Oral Arguments, hiniling ni Macalintal na ideklarang labag sa Konstitusyon ang mga probisyon ng Republic Act No. 12326 na nagtatakda ng susunod na BSKE sa 2028.
Nilinaw ni Macalintal na hindi niya kinukuwestiyon ang kapangyarihan ng Kongreso na magtakda o magpalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK.
Gayunman, iginiit niya na hindi dapat ituring na simpleng epekto lamang ng pagtatakda ng limang taong termino ang pagpapaliban sa halalan.
Ayon sa abogado, hindi maaaring palawigin ang termino ng mga kasalukuyang opisyal nang hindi muna binibigyan ng pagkakataon ang mga botante na pumili ng kanilang mga bagong lider.
Sa halip, hiniling niyang atasan ang Commission on Elections (Comelec) na isagawa ang BSKE sa pinakamalapit na praktikal na petsa at ipatupad ang limang taong termino sa mga opisyal na mahahalal dito.
Hiniling din ni Macalintal na magsagawa muna ng oral arguments bago resolbahin ng Korte Suprema ang kanyang mosyon.
Matatandaang sa desisyon noong Oktubre 14, 2026, pinagtibay ng Korte Suprema ang mga probisyon ng RA 12326 na nagkansela sa nakatakdang BSKE ngayong taon at nagpalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal hanggang 2028.
(JULIET PACOT)
15 