PORMAL na naghain ng mga kasong perjury sa Prosecutor’s Office ng Marikina City ang international visual artist at Philippine Navy Goodwill Ambassador for Culture and Arts na si Kristine Soguilon-Lim, kasama ang kanyang business partner na si Ma. Faye Manzon, laban kay Elpidio Mijares Jugalbot III, alyas Elpi o Ylphy, at iba pang indibidwal.
Ayon sa mga nagrereklamo, karagdagan ang mga kasong ito sa mga nauna na nilang legal na hakbang, kabilang ang mga reklamo kaugnay ng umano’y paglabag sa Mental Health Act at Safe Spaces Act, unjust vexation at cyber libel.
Sinabi naman ng kanilang legal counsel na si Atty. Hazel Chinjen-Luna na nag-ugat ang mga bagong kaso sa mga pahayag na may kaugnayan sa umano’y online campaign laban kina Soguilon-Lim at Manzon.
Iniulat na nagsimula ang naturang kampanya matapos bawiin ng dalawa ang kanilang mga pamumuhunan sa isa sa mga negosyo ni Jugalbot, na gumagamit ng pangalang Elpi, Elpi Vellychon at Herbiv.
“Ginagawa namin ang lahat ng kinakailangang legal na hakbang upang protektahan ang reputasyon at integridad ng aking mga kliyente laban sa mga pinaninindigan naming maling akusasyon at malisyosong online campaigns,” pahayag ni Chinjen-Luna.
(JESSE RUIZ)
25 