P89.16 MILYONG HALAGA NG ILEGAL NA DROGA, NASAMSAM SA PASAY WAREHOUSE

NASA kustodiya na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 15.036 kilo ng hinihinalang ilegal na droga na may tinatayang halagang P89,161,800 matapos itong madiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa 12 inabandunang parcel sa isang warehouse sa Pasay City.

Ayon sa ulat, nagmula sa Thailand, India, United States at Netherlands ang mga parcel na nadiskubre sa isinagawang anti-narcotics interdiction operation ng BOC katuwang ang PDEA.

Nakatago sa mga damit, balot ng pagkain at tsaa, lalagyang kahoy, metal pulley, handbag at deep fryer ang iba’t ibang uri ng hinihinalang ilegal na droga.

Kabilang dito ang 11.241 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P76,438,800; 1.563 kilo ng umano’y high-grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng P1,563,000; at 2.232 kilo ng hinihinalang ketamine na tinatayang nagkakahalaga ng P11,160,000.

Kasama rin sa mga parcel ang iba pang kagamitan gaya ng damit, laruan, piyesa ng sasakyan at mga regalo.

Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa mga kargamento dahil ginagamit umano ng mga smuggler ang mga karaniwang kagamitan upang itago ang mga ilegal na droga.

Bahagi ang operasyon ng pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higpitan ang pagbabantay sa mga paliparan upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

Agad na itinurn-over ng BOC sa PDEA Laboratory Service ang mga nakuhang ebidensiya para sa pagsusuri at pagkumpirma sa mga hinihinalang ilegal na droga.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa mga inabandonang shipment upang matukoy ang mga nasa likod ng tangkang pagpupuslit at maihanda ang kaukulang mga kasong ihahain laban sa mga mananagot.

(JESSE RUIZ)

30

Related posts

Leave a Comment