UMABOT sa halagang P4.19 milyong hinihinalang droga ang nakumpiska ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa loob ng isang linggo.
Ayon kay Regional Director PBGen Randulf T. Tuaño, mula Oktubre 5 hanggang 11, nagsagawa ng 23 anti-illegal drug operations ang PRO6.
Kabilang dito ang walong operasyon sa High-Value Individuals (HVIs), 13 operasyon sa Street-Level Individuals (SLIs), at apat na nakatala bilang “Not Listed”.
Sa nabanggit na operasyon, nakakumpiska ng 616.31 gramo ng hinihinalang shabu, 25.57 gramo ng hinihinalang kush, at dalawang gramo ng hinihinalang marijuana, na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na P4,194,216.40.
Nanguna rito ang Regional Police Drug Enforcement Unit 6 (RPDEU6) na may pinakamaraming nakumpiska na umabot sa 241 gramo, na may SDP na P1,638,800.
Sinundan naman ito ng Iloilo City Police Office (ICPO) na may 224 gramo (P1,523,200 SDP), Iloilo Police Provincial Office (IPPO) na may 131 gramo (P890,800 SDP), Capiz Police Provincial Office (CPPO) na may 16.99 gramo (P115,532 SDP), at Guimaras Police Provincial Office (GPPO) na may 3.32 gramo (P22,576 SDP).
Habang wala namang naitalang pagkakasamsam ng shabu ang Aklan at Antique Police Provincial Offices sa nasabing panahon.
Sinabi ni Tuaño, mahalaga ang tuloy-tuloy na operasyon at pakikipagtulungan ng publiko upang maprotektahan ang mga pamilya at komunidad, lalo na ang mga kabataan.
(TOTO NABAJA)
69 