Sa Brgy. San Isidro, Taytay, Rizal SUSPENDIDONG KAPITAN NAG-IWAN NG P2.1M BAYARIN

IBINUNYAG ni Acting Punong Barangay Arky Manning ang mabibigat na problemang kinahaharap ng Barangay San Isidro sa Taytay, Rizal kabilang ang mahigit P2.1 milyong utang, pagkaputol ng suplay ng tubig, at iba pang isyu sa operasyon at pananalapi ng barangay.

Nang umupo si Manning noong Oktubre 2, natuklasan na lamang na P88,000 ang natitirang pondo ng barangay, habang ang mga obligasyon nito sa mga supplier at iba pang bayarin ay lumalampas sa P2.1 milyon. Kasama sa mga hindi nababayarang obligasyon ang singil sa tubig na umabot sa P160,000 sa loob ng tatlong buwan, na naging dahilan ng pagputol ng serbisyo.

Dahil dito, naapektuhan ang mga pangunahing serbisyo ng barangay, kabilang ang pangongolekta ng basura na ikinabahala ng mga residente. Naka-hold din ang gasolina para sa mga patrol na sasakyan, ambulansya, at fire truck ng barangay.

Hinarap din ang isyu ng hindi maipalabas na honorarium ng mga empleyado mula Enero hanggang Setyembre dahil sa mga iregularidad sa paglalaan ng pondo. Kailangang ayusin ang Supplemental Appropriation Ordinance at tamang pag-uuri ng mga gastusin bago maiproseso ang mga bayarin.

Tinukoy rin ang pagliban sa trabaho ng humigit-kumulang 15 empleyado at hirap sa pakikipag-ugnayan sa ilang opisyal ng komunidad. Nagpadala na ng paalala ang pamunuan, at binalaan na maaaring magresulta ito sa administratibong aksyon kung hindi tutugon ang mga nasasangkot.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamunuan sa mga kinauukulan upang maayos ang mga bayarin at maibalik ang normal na serbisyo. Nanawagan si Manning ng pagkakaisa at pagiging bukas sa publiko, at sinabing mahalagang hindi lamang maipaliwanag kundi maipakita rin ang mga dokumento, hakbang na gagawin, at ang aktuwal na pagbabalik ng maayos na serbisyo sa mamamayan.

(KNOTS ALFORTE)

78

Related posts

Leave a Comment