SISIYASATIN ng Senado ang halos P199 bilyong pondong iniulat na ni-realign ng Kamara sa panukalang 2027 national budget upang matiyak kung naaayon sa mga prayoridad ng pamahalaan ang mga pagbabago sa alokasyon.
Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na partikular nilang bubusisiin ang mga pagbawas sa foreign-assisted projects, na aniya ay kailangang bigyang-prayoridad dahil sa lumalaking bayarin sa penalty at interes.
Kabilang sa mga proyektong tinukoy niya ang Metro Manila Subway at mga commuter rail project na inaasahang makatutulong sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon.
Batay sa paunang impormasyong natanggap ni Gatchalian, may mga pondong inilipat ang Kamara para sa medical assistance at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), na kapwa mga programang panlipunan ng pamahalaan.
Gayunman, iginiit ng Senate President na mahalagang matiyak din ang sapat na pondo para sa imprastraktura upang masuportahan ang paglago ng ekonomiya.
Kinumpirma rin ni Gatchalian na ipinagpaliban ng Senado ang target na pag-apruba sa bersyon nito ng panukalang budget dahil sa karagdagang panahong kakailanganin para sa impeachment trial.
Posibleng sa unang linggo ng Disyembre maaprubahan ng Senado ang sarili nitong bersiyon ng panukalang 2027 national budget, ayon kay Gatchalian.
(DANG SAMSON-GARCIA)
104 