Sa pinaigting na anti-criminality campaign EPD NAKAPAGTALA NG 12% DECLINE SA KRIMEN

BUMABA ng 12.62% ang naitalang krimen sa nasasakupan ng Eastern Police District (EPD) sa loob ng kahalintulad na linggo noong nakaraang buwan bunsod ng pinaigting na kampanya laban sa krimen.

Batay sa inilabas na datos, 103 ang naitalang krimen mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026, ngunit 90 na lamang ang naitala mula Oktubre 4 hanggang Oktubre 11, 2026, o 13-incident decrease.

Isa sa kapansin-pansing insidente ay ang mabilis na pagkakahuli sa isang suspek ng pagnanakaw ng photographic gadgets at mga kagamitan na nagkakahalaga ng P1.9 milyon sa Mandaluyong City.

Umabot naman sa P665,996 ang halaga ng ilegal na droga na nasakote na nagresulta sa 58 naaresto at nakumpiskang 97.63-kilogram ng hinihinalang shabu.

Samantala, 27 anti-illegal gambling operations naman ang naiulat kung saan 34 katao ang arestado at umabot sa P6,480 ang narekober na perang pansugal.

Dalawang baril naman ang narekober sa isinagawang loose firearms operation mula sa dalawa katao.

Bilang pagtalima sa ‘Safer Cities’ initiative ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nakapag-ulat ng 19,408 apprehensions kung saan 15,229 indibidwal ang pinalaya at binigyan ng warning habang 4,169 katao ang pinagmulta.

Ayon sa district director ng EPD na si PBGen. Roman Arugay, gagawa sila ng paraan upang mahadlangan ang krimen sa pamamagitan ng pagpapaigting sa police visibility, pagpapatupad ng batas at pagprotekta sa komunidad.

“Ang pagbaba ng naitalang mga insidente ng krimen ay nagpapakitang seryoso kami na ipamalas ang dedikasyon, propesyonalismo at pakikipagtulungan sa komunidad,” dagdag pa ni Arugay.

Kasama sa binigyang komendasyon ng heneral ang tulong ng District Mobile Force Battalion (DMFB), EPD Command Group, District Staff, Chiefs of Police, Force Commander, Police Commissioned Officers (PCOs), gayundin ang civilian partners mula sa Pasig, Mandaluyong, Marikina, and San Juan City o PaMaMariSan na bumubuo sa EPD.

(NEP CASTILLO)

253

Related posts

Leave a Comment