NASA 76 foreign nationals ang dinakip sa magkasanib na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Immigration (BI) sa isang hinihinalang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City, malapit sa Camp Aguinaldo.
Ayon sa ulat ng AFP, karamihan sa mga naaresto ay Chinese nationals na hinihinalang lumabag sa mga batas sa imigrasyon at sa Anti-POGO Act of 2025.
Kinumpirma ni AFP spokesperson on West Philippine Sea Rear Adm. Roy Vincent Trinidad ang pagsasagawa ng operasyon kasama ang mga operatiba ng BI Intelligence Division, Special Response Team at Region 4 Regional Intelligence Operations Unit, gayundin ang AFP National Capital Region Command.
Sinabi ni Trinidad na seryosong tinututukan ng militar ang posibleng epekto ng naturang operasyon sa pambansang seguridad.
“We cannot yet confirm, but an investigation is already ongoing regarding that matter,” ani Trinidad, na tumutukoy sa posibleng kaugnayan ng pasilidad sa iba pang aktibidad na may implikasyon sa seguridad ng bansa.
Isinagawa ang operasyon sa hinihinalang POGO-related facility na ginagamit umano sa online scamming activities bandang alas-5 ng umaga kamakalawa. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso at sa mga aktibidad ng mga naarestong dayuhan.
(JESSE RUIZ)
90 