PINURI ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA) at Philippine Navy sa pagkakasabat sa dalawang cargo vessel na may kargang tinatayang 20,000 metric tons ng bigas mula Vietnam na nagkakahalaga ng ₱700 milyon dahil sa mga kwestyonableng dokumento at kinanselang sanitary at phytosanitary permits.
Ayon sa ulat, naharang ng Philippine Navy at BOC ang MV Tay Son 2 sa Davao City noong Setyembre 17, 2026, na may kargang 12,500 metric tons ng bigas, at ang MV Lucky Star noong Setyembre 21, na may dalang 7,500 metric tons.
Sa isang sesyon ng Senado, pinasalamatan ni Pangilinan, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, ang mga ahensya sa kanilang pagtutulungan upang mapigilan ang posibleng agricultural smuggling.
Ibinahagi rin ng senador na personal niyang nakausap sina DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na nagkumpirma sa pagkakaharang sa dalawang barko at patuloy na tumututok sa sitwasyon.
“We are thankful na sila mismo ang on top of the situation,” ani Pangilinan bilang pagkilala sa agarang pagtugon ng mga opisyal.
Binigyang-diin din ng senador ang laki ng halagang sangkot sa hinihinalang agricultural smuggling, na tinatayang aabot sa ₱700 milyon batay sa presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Pangilinan, lumilitaw sa paunang imbestigasyon ang posibilidad ng paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024, na naglalayong sugpuin ang malawakang smuggling ng mga produktong agrikultural.
Samantala, tiniyak ni Commissioner Nepomuceno na ipagpapatuloy ng BOC ang mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at matiyak ang pagsunod sa mga batas na namamahala sa pagpasok ng mga produktong agrikultural.
“Hindi natin hahayaang samantalahin ng mga smuggler ang ating mga pantalan para gumawa ng ilegal, habang ang ating mga magsasaka ang naaapektuhan. Malaking halaga ang pinag-uusapan dito, kaya mas lalo nating paiigtingin ang pagbabantay at pakikipagtulungan sa DA at iba pang ahensya. Nagpapasalamat din tayo sa Philippine Navy sa kanilang mahalagang tulong sa operasyong ito. Ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas ay dapat managot,” ani Nepomuceno.
Bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng BOC laban sa agricultural smuggling, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang sektor ng agrikultura at sa Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ni Nepomuceno, na nakatuon sa mas mahigpit at tapat na pagpapatupad ng mga batas sa Customs.
(JESSE RUIZ)
82 