SENATE IMPEACHMENT COURT, PINAYAGANG I-DROP ANG 3 ARTICLES LABAN KAY VP SARA

PINAYAGAN ng Senate impeachment court ang House prosecution panel na pormal na bawiin ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Z. Duterte upang ituon ang paglilitis sa Article II, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, maling deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at mga ipinagbabawal na business interest.

Inaprubahan ni Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang manifestation ng prosecution matapos nitong tapusin ang paghaharap ng ebidensiya sa ika-39 na araw ng impeachment trial.

“Given the foregoing, the court accepts and confirms the prosecution’s manifestation. Articles 1, 3 and 4, from this point forward, are deemed withdrawn,” pahayag ni Escudero sa kanyang pormal na ruling.

Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, Article II na lamang ang itutuloy ng prosecution panel.

Itinanggi rin ni Luistro na nangangahulugan ng paghina ng kaso ang pag-atras sa tatlong impeachment article.

“It has been repeatedly said that the prosecution has four equally strong articles of impeachment, and it is only because of the consideration of what we believe is the best interest for all that we are retaining only one article,” paliwanag ni Luistro.

Ayon kay Escudero, iniatras with prejudice ang Articles I at IV, na nangangahulugang hindi na maaaring muling ihain ang mga ito batay sa parehong mga alegasyon sa natitirang bahagi ng termino ni Duterte at sa 20th Congress.

Samantala, iniatras without prejudice ang Article III dahil hindi pa nakapaghaharap ng ebidensya ang prosecution kaugnay nito. Gayunman, nilinaw ng presiding officer na hindi na rin ito maaaring isama sa kasalukuyang paglilitis.

Binigyang-diin ni Escudero na hindi nangangahulugan ang pag-atras sa tatlong impeachment article na nabibigyan ng immunity si Duterte laban sa iba pang legal na proseso.

“It does not grant immunity, nor does it constitute double jeopardy against the prosecution for any underlying conduct,” giit ni Escudero.

Ayon sa kanya, maaari pa ring magsampa ng hiwalay na kasong kriminal, sibil o administratibo laban sa mga sangkot, kung may sapat na batayan.

Dahil sa pormal na pag-atras, hindi na isasailalim sa pinal na botohan ng mga senador-hukom ang tatlong impeachment article.

Schedule ng Paglilitis

Binigyan ng impeachment court ang prosecution panel hanggang Oktubre 23 upang pormal na isumite ang mga dokumentaryo at pisikal na ebidensiya nito sa ilalim ng Article II. Pagkatapos nito, may 10 araw ang defense team ni Duterte mula sa pagtanggap ng mga dokumento upang maghain ng mga komento at pagtutol.

Pinagkalooban naman ang kampo ng Bise Presidente ng 26 na araw sa kalendaryo upang paghandaan ang paghaharap ng ebidensya ng depensa. Magbabalik ang paglilitis sa Nobyembre 9.

Nakatakda ang mga susunod na pagdinig sa Nobyembre 9 hanggang 13, 19, 20 at 23. Magkakaroon ng buong araw na pagdinig sa Nobyembre 10, 12, 13, 19 at 20, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 o alas-6:30 ng gabi.

Isusumite pa ang karagdagang iskedyul ng mga pagdinig para sa Disyembre.

Sub Judice Restrictions Inalis

Inalis din ng Senate impeachment court ang mga restriksyon sa ilalim ng sub judice rule sa tatlong iniatras na impeachment article laban kay Duterte, kaya maaari nang talakayin ng prosecution

at defense ang mga usaping saklaw ng mga ito sa publiko.

Ayon kay Escudero, hindi na sakop ng restriksyon sa ilalim ng Rule 18 ang Article I na tumatalakay sa isyu ng confidential funds, Article III na may kaugnayan sa alegasyon ng bribery o panunuhol, at Article IV na tumatalakay sa umano’y grave threats.

“Accordingly, the prosecutors, the respondent, their respective counsels and witnesses may publicly address, explain and respond to any matter contained in those withdrawn articles,” paliwanag ni Escudero.

Gayunman, nilinaw ng presiding officer na hindi nangangahulugan ang pag-alis sa restriksiyon na maaari nang isiwalat o ipakalat ang lahat ng kumpidensiyal at sensitibong ebidensya.

Iniutos din ng korte ang pangangalaga sa lahat ng rekord ng paglilitis, kabilang ang mga testimonya, pleadings at exhibits na iniharap sa mga nagdaang pagdinig.

Inatasan ang Clerk of Court na uriin ang mga dokumento batay sa kung alin ang maaaring ilabas sa publiko, kailangang lagyan ng redactions, dapat suriin sa ilalim ng superbisyon, o kailangang manatiling selyado.

Lalagyan din ng recipient-specific watermark ang mga kumpidensiyal na dokumentong ipamamahagi sa mga awtorisadong indibidwal upang maiwasan ang pagtagas ng impormasyon.

Samantala, mananatiling sakop ng sub judice rule ang Article II o ang alegasyon ng unexplained wealth na siyang itutuloy ng prosecution panel.

(TINA MENDOZA)

70

Related posts

Leave a Comment