NIRESBAKAN ng Malacañang ang mga kritiko ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tumawa sa kanyang payo sa publiko na bumili ng mga balde at mag-ipon ng tubig bilang paghahanda sa inaasahang Super El Niño.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na sa halip na batikusin ang pahayag ng Pangulo, mas makabubuting unawain muna ng mga kritiko ang kabuuang plano ng pamahalaan.
Ayon kay Castro, kailangan umano ng mga kritiko ng “balde-baldeng utak” upang maintindihan ang mga hakbang na inihahanda ng administrasyon.
Tinukoy rin ni Castro si Vice President Sara Duterte bilang isa sa mga tumawa sa payo ng Pangulo. Nauna nang sinabi ng Bise Presidente sa publiko na wala na silang maaasahan kay Marcos.
Kamakailan, pinayuhan ni Pangulong Marcos ang publiko na bumili ng mga balde upang magamit sa pag-iipon ng tubig-ulan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
“Hindi po ito pagkakanya-kanya. Kung ito lang po ang nadinig na patungkol sa balde, ang mas maganda po, umupo sila at makinig. Sit down and listen kung ano ang sinasabi ng Pangulo,” pahayag ni Castro.
“Bakit iyong balde lang ang kanilang nakita at nadinig? Baka ang kailangan natin ngayon—hindi sa lahat ha, hindi ko po nilalahat. Ito ay patungkol sa mga obstructionists na walang makitang positibo sa mga ginagawa ng Pangulo. Sa mga obstructionists po itong sasabihin ko. Kailangan po talaga natin ng balde-baldeng utak para maintindihan ninyo po kung ano ang plano ng Pangulo,” dagdag niya.
Hinimok din ni Castro ang publiko na maging mapanuri at huwag agad tumuon sa mga negatibong pananaw sa mga hakbang ng pamahalaan.
“So, kaya nga sabihin natin sa mga obstructionists, kung puwede lang bumili ng baldeng utak para maibigay sa inyo,” dagdag pa ng opisyal.
(CHRISTIAN DALE)
71 