CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NUKNUKAN ng galing ang ilang public official. Magaling sa trabaho at magbigay ng serbisyo? Hindi. Magaling igiit ang kapangyarihan at posisyon, pwede pa.
Eto ang klasik na halimbawa: Naisasama pala ang mga anak ng ilang public official sa biyahe ng Philippine Sports Commission (PSC) tuwing may palaro sa ibang bansa. Ang siste, libre ang lahat ng gastos.
Grabe, gayung hindi naman kawani o opisyal ng PSC ang kanilang mga magulang. Napakapalad naman ng mga anak na ‘yan. Kahit walang legal personality sa ahensya ay naikakarga ang personal na gastos sa bayarin ng PSC. Isa lamang ito sa mga isinampang reklamo ng grupo ng ilang kawani ng PSC sa Ombudsman laban sa liderato ng ahensya kamakailan.
Ang mga kaso na maaaring lumabas dahil sa reklamo ay Graft, Abuse of authority, Grave Misconduct, Falsification of public documents by public individuals, at Coercion. Bukod sa libreng biyahe ng mga anak ng public officials, kasama sa isinumiteng reklamo ay ang isyu ng atrasadong unliquidated funds na pinayagang i-realign kahit ito ay kuwestiyonable.
Ipinaalala na ito ng COA, ngunit tinugon lang matapos ang mahigit isang taon. Ginamit umano ang pondo sa allowance ng mga atleta. Isang taon ang pinalipas bago ipinaliwanag, at nagsumite pa ng mga kahina-hinalang dokumento na pinayagan naman ng mga opisyal? Alegasyon ‘yan ng mga nagrereklamo.
May isa ring empleyadang coterminous ang itinalaga raw bilang Special Disbursing Officer (SDO) kahit hindi pa nali-liquidate ng nasabing kawani ang dating pondo na nasa kanyang pangangasiwa. Isa pa sa inireklamo ay ang relasyon ng senior PSC official at ng National Sports Association, na labag umano sa COA circular hinggil sa nepotismo. Kinukuwestyon din ang posibleng paglabag sa bidding ng pagkain, bag at training uniforms. Teka, bakit bibili kung wala namang mga kaganapan at kompetisyon?
Ang isa sa mga nangyayari kasi sa bidding ay ang pagtalaga ng taker. At hindi pwedeng palagpasin ng ilang empleyado ang pagpupumilit na maisumite ang pekeng dokumento para maikarga ang mga personal na gastos sa bulsa ng PSC at sa kaban ng bayan. Nubayan? Kung totoo man na may palakasan ay kailangan nang kumilos ang ahensya nang lubayan na ng mga abusado ang kanilang pribilehiyo.
Ang isports ay palakasan, hindi palakasan sa matataas na opisyal para makalamang.
Nasa ahensya ang martilyo kung ang pako ng sistema ay tuluyan nang ibabaon. Totoo kaya ang mga alegasyon? Nasa PSC ang espasyo para pabulaanan kung hindi ‘to bola. O, Chairman Richard Bachman, baka naman?
