PRICE FREEZE SA MGA NASA STATE OF CALAMITY PINATITIYAK

NANAWAGAN si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity.

Hinimok din niya ang mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng crackdown laban sa mga hoarder, profiteer at cartel sa gitna ng paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño sa produksyon ng pagkain at presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Pangilinan, dapat palakasin ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH) at Price Coordinating Council ang market monitoring at magrekomenda ng price ceiling kung kinakailangan upang maprotektahan ang mga mamimili.

Iginiit ng senador na hindi dapat pagkakitaan ang kalamidad at pagsamantalahan ang mga mamimili, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda na umaasa rin sa mga bilihin sa palengke.

Ipinaalala niya na alinsunod sa Republic Act No. 7581 o Price Act, awtomatikong ipinaiiral ang price control sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity.

Hinimok din niya ang mga ahensya ng gobyerno at law enforcement authorities na imbestigahan ang mga abusadong negosyante at tiyaking mapapanagot ang mga sangkot sa hoarding at manipulasyon ng presyo.

Binigyang-diin ni Pangilinan na hindi dapat maliliit na tindero lamang ang habulin kundi pati ang malalaking negosyante at mga nasa likod ng mga sindikato.

Sa ilalim ng Section 15 ng Price Act, ang illegal price manipulation ay may katapat na pagkabilanggo ng lima hanggang 15 taon at multang P5,000 hanggang P2 milyon.

(DANG SAMSON-GARCIA)

78

Related posts

Leave a Comment