BALASAHAN SA GABINETE NI PBBM PAABUTIN KAY SPEAKER MARTIN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAIAANGAT kaya ng ginagawang balasahan sa gabinete ang sumadsad na approval rating ni Pangulong Bongbong Marcos?

Para sa mga miron, malabong makabawi ang Pangulo kung ibabase lang sa rigodon ng kanyang mga tao.

May mga sitsit na hindi nagustuhan ng Pangulo ang masaklap na resulta ng midterm election kung saan inilampaso ang mahigit kalahati ng kanyang mga pambato kaya naisipan nitong ‘maglinis’.

Sa gitna ng rigodon ay marami ang curious. Babalik na ba ang trust and popularity ni Pangulong Marcos na patuloy ang pagsadsad? Baka hindi.

Teka, paano nga ba humantong sa paglagapak ang rating ni PBBM?

Masasabing nagsimulang madismaya ang taumbayan nang magkaroon ng hidwaan sina House Speaker Martin Romualdez at Vice President Sara Duterte. Nag-ugat ito sa usaping nais ikudeta ang liderato ni Romualdez at nais paupuin bilang House Speaker si Pampanga Rep. at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi ito imposible. Kung matatandaan, napatalsik noong 2018 bilang House Speaker si Davao Rep. Pantaleon Alvarez na sinasabing minaniobra ni VP Sara.

Kasunod ng hindi pagkakaintindihan, nagsimula na ang pagsilip ng Kamara sa Bise Presidente. Nagsimula ang tensyon nang tapyasan ng Kamara ang budget ng Office of the Vice President, pagpapatalsik sa kanya sa Department of Education (DepEd), na sinundan ng imbestigasyon sa confidential funds at paghahain ng impeachment.

Noong Enero 2024 pa lamang ay umalma na si VP Sara at sinabing “bakit siya inaatake ni Romualdez gayong bahagi siya ng administrasyon?”

Heto pa, pinayagan ng gobyerno ang pagpapaaresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte at dinala ito sa The Hague upang harapin ang kaso sa International Criminal Court(ICC). Nang pulsuhan ng mga survey firm ang opinyon ng taumbayan sa pagpaparesto kay Duterte ay 58% ang nagsabing tutol sila. Pinakamalakas ang pagtutol sa Mindanao na nasa 96%, 60% sa Visayas, 42% sa Luzon at 38% sa Metro Manila.

Ang pagpapaaresto kay Duterte at ang impeachment laban kay VP Sara ang itinurong dahilan ni Bagong Alyansa para sa Bagong Pilipinas Campaign Manager Toby Tiangco kaya talunan ang marami sa mga kandidato ng administrasyon.

Bago ang tensyon, parehong mataas ang approval rating ng Pangulo at Pangalawang Pangulo kaya naman ang malaking tanong ay sino ang humahatak pababa kay Pangulong Marcos, ang kanyang gabinete o si Romualdez?

Malinaw na si House Speaker Romualdez ang humahatak pababa kay Pangulong Marcos, hanggang sa nanatili ito bilang lider ng Kamara ay si Pangulong Marcos ang sumasalag sa away sa pagitan nina Romualdez at magkakamping sina VP Sara at Imee Marcos.

Ang nais makita ng taumbayan ay ang UniTeam na kanilang ipinanalo noong 2022 presidential election, ngunit paano ang “unity” kung patuloy ang pag-atake. Nagpahayag na ng intensyon mismo si Pangulong Marcos na handa itong makipagbati sa mga Duterte at ilan beses na rin ang pagsasabi na ayaw nya sa impeachment.

Sa Hunyo 11 ay sisimulan na ng Senado ang impeachment trial laban kay VP Sara. Ito ang maituturing na “last card” ni Romualdez. Unang naging taktika ng Kamara para pilayin ang mga Duterte ay pagtapyas sa pondo ng OVP at maging sa Davao City, ikalawa ay pagtanggal sa gabinete kay VP Sara at political isolation — pag-alis sa mga kaalyado at pag-turnover kay Pangulong Duterte sa ICC.

Dito marami ang kinakabahan.. kapag nabigo ang impeachment at makita lamang ito ng taumbayan bilang “power grab”. Tiyak sapul na naman si PBBM kaya dapat maging handa ang administrasyon niya.

Matagal nang pinag-uusapan na nais walisin ni Romualdez sa political equation si VP Sara. Ito ay iniuugnay sa kanya umanong ambisyon na maging Presidente.

Sa paggulong ng impeachment trial sa Senado, dapat ay malinaw na kay PBBM kung ano ang problema sa kanyang administrasyon na nagdudulot ng pagkadismaya ng taumbayan.

Hindi kaya mas mainam na isama na si Speaker Martin sa tamaan ng balasahan? Alisin na sa kanya ang renda ng 20th Congress para mabigo man ang impeachment ay hindi na apektado ang Pangulo.

24

Related posts

Leave a Comment