KAHIT NAUDLOT EDSA REHAB, NCAP TULOY – DOTr

IPINAGPALIBAN man ang rehabilitasyon ng EDSA, tuloy naman ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, hindi limitado sa EDSA ang NCAP at isa itong mas mainam na paraan ng pagpapatupad ng batas-trapiko.

Una nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang buwang pagkaantala ng proyekto upang pag-aralan kung may mas bagong teknolohiya na maaaring gamitin para mapabilis ang rehabilitasyon ng 23.8-kilometrong kalsada.

Ang rehabilitasyon ng EDSA ay inaasahang magdudulot ng matinding trapiko at nakatakdang tumagal hanggang taong 2027.

Pinigil Na Naman

Samantala, nagsumite ng Motion for Reconsideration with Clarification sa Korte Suprema ang ilang transport groups at abogado kaugnay ng muling pagpapatupad ng NCAP sa Metro Manila.

Kabilang sa mga petisyoner sina Atty. Juman Paa, ang Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon o KAPIT, PASANG MASDA, ALTODAP at ACTO.

Kasama naman sa mga respondent ang mga lungsod ng Maynila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa, pati na rin ang Land Transportation Office at MMDA.

Tikom naman ang bibig ni Paa para sa karagdagang detalye bilang paggalang sa sub judice rule.

Matatandaang nitong Linggo, muling ipinatupad ng MMDA ang NCAP matapos ang tatlong taong suspension ng polisiya.

Aprub Sa MMC

Suportado naman ng Metro Manila Council sa pamamagitan ng presidente nito na si San Juan City Mayor Francis Zamora ang desisyon ni Pangulong Marcos Jr. na pansamantalang ipagpaliban ang rehabilitasyon ng EDSA.

Ayon kay Zamora, mas mabuti ito habang pinag-aaralan pa ng mga kasali sa planong rehabilitasyon kung paano ito gagawin sa mas mabilis at episyenteng paraan nang sa gayon ay kaunti lang ang maidudulot na abala sa trapiko.

“Bagamat nangangailangan talaga ng rehabilitasyon ang EDSA, tama ang desisyon ng Pangulo na tiyakin munang hindi ito magiging dagdag pahirap hindi lamang sa mga motorista kundi sa mga mamamayan ng Kalakhang Maynila sa kabuuan,” pahayag ni Zamora.

Sinabi pa ng alkalde na handang makipagtulungan ang pamahalaang lungsod ng San Juan sa anomang plano ng pambansang pamahalaan, lalo na sa itatalagang alternatibong daanan gayundin kung papaano maging episyente ang EDSA rehab.

Sa San Juan City, kabilang aniya sa mga hakbang ng lungsod ang regular na road clearing sa mga Mabuhay Lanes at ang binuksan kamakailan na Greenhills–West Crame Connector Road, na nagbibigay ng mabilis na alternatibong ruta sa mga motorista.

Idinagdag pa ng pangulo ng MMC na handa rin umano silang makipag-ugnayan sa DPWH, DOTr, MMDA at iba pang ahensya ng pamahalaang nasyonal para sa komprehensibong plano sa EDSA.

(JULIET PACOT/NEP CASTILLO)

53

Related posts

Leave a Comment