FACE MASK WA EPEK SA MPOX – DOH

TALIWAS sa paniwala ng marami, hindi epektibong proteksyon laban sa monkeypox o mpox ang pagsusuot ng face mask.

Paglilinaw ng Department of Health (DOH), ang sakit ay naipapasa sa pakikipagyakapan at halikan.

Ayon kay DOH spokesperson Dr. Albert Domingo, hindi airborne ang mpox kaya’t hindi face mask ang pangunahing pansalag dito.

Nabatid na ang mpox ay naipapasa sa pamamagitan ng physical contact, gaya ng balat-sa-balat, paghalik, o pagyakap kahit na walang pagtatalik.

Kasabay nito’y pinakalma ng ahensya ang publiko dahil bagaman tumataas umano ang kaso ng mpox, mas mababa pa rin kumpara noong 2024 kung saan lahat ng kaso sa bansa ay na-categorized bilang Clade II, na mas mild at hindi masyadong nakahahawa. Ang Clade 1b na mas madaling nakahahawa ay wala pang naitatalang kaso sa Pilipinas.

Kamakailan ay pinabulaanan ng DOH ang mga maling impormasyon tungkol sa pagpapatupad ng lockdown dahil sa mpox.

Kaugnay nito, iniulat ng health officials sa Davao Region na umabot na sa 10 kaso ng mpox ang kanilang naitala mula Abril hanggang Mayo 31, 2025.

Ayon sa report ni DOH Regional Office 11 Spokesperson Sofia Corazon Zafran, kabilang sa mga nairekord na kaso ay anim mula sa Davao City nitong Abril habang apat pang mga bagong pasyente ang kasalukuyang isolated at sumasailalim sa masusing monitoring matapos ma-expose sa mga nagpositibo sa virus.

Patuloy naman ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito upang alamin kung may sintomas din sila ng mpox virus.

Samantala, ang Davao de Oro ay nakapagtala ng tatlong kaso ng mpox kung saan dalawang pasyente ang nakarekober na habang ang isa ay patuloy na ginagamot.

Isa pang kaso ang naiulat naman sa Magsaysay, Davao Del Sur habang wala namang naitalang kaso sa Davao del Norte at Davao Oriental.

Ayon kay Zafran, ang Davao Region ay binubuo ng limang lalawigan na may 43 na mga bayan at anim pang mga lungsod.

Ang rehiyon ay may kabuuang 1,162 na mga barangay.

Paalala ni Zafran, sa publiko mahalaga na panatilihin ang minimum health standards upang mapigilan ang pagkalat ng mpox tulad ng physical distancing na two meters ang layo sa bawat isa.

(JULIET PACOT)

42

Related posts

Leave a Comment