(DANG SAMSON-GARCIA)
NANINDIGAN si Senate President Francis Chiz Escudero na maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayunman, sinabi ni Escudero na wala ring makapipigil sa mga senador na miyembro ng 20th Congress na talakayin muli ang legalidad ng pagtawid ng proceedings.
Nasa kamay rin anya ng mayorya ng mga senador sa 20th Congress ang pagdedesisyon kung itutuloy ang trial.
Ipinaliwanag ng Senate leader na hindi naman sila maaaring bumuo ng mga regulasyon o gumawa ng anomang aksyon na magtatali sa kamay ng mga miyembro ng 20th Congress.
Binigyang-diin ni Escudero na lahat ng posibilidad ay maaaring mangyari sa 20th Congress pero kung ang pag-uusapan ay ang normal na hakbangin ay dapat na ituloy sa 20th Congress ang impeachment trial.
Pero sa huli, kung may mga tutol anya sa anomang pagpapasya ng Senado ay maaari naman itong idulog sa Korte Suprema upang makapaglabas ng ruling ang mga mahistrado.
Bagama’t iniatras sa June 11 ang pagbabasa ng articles of impeachment sa open session, sinabi ni Escudero na tuloy pa rin sa July 30 ang pagsisimula ng impeachment trial.
‘Di Pa Sumusurender
Kaugnay nito, hindi pa nagtataas ng puting bandila na tanda ng pagsuko si House Speaker Martin Romualdez sa Impeachment case na isinampa ng mga ito laban kay Duterte.
Sa ambush interview matapos pangunahan ang pagbabasbas sa multipurpose covered court sa Batasan Pambansa complex kahapon, hindi nagpakita ng pagkabahala si Romualdez sa mga ulat na posibleng hindi na matuloy ang impeachment trial laban kay Duterte.
“Its pure speculative at this point,” reaksyon ng lider ng Kamara nang tanungin ukol sa kumakalat na impormasyon na nanganganib na hindi matuloy ang impeachment proceeding matapos iurong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pag-convene sa Impeachment Court.
Unang itinakda ni Escudero na buksan ang Impeachment court ng June 2, 2025 kung saan babasahin ang 7 articles of impeachment laban kay Duterte na hudyat ng pagsisimula ng impeachment proceedings.
Gayunpaman, dahil kailangang unahin umano ang mga nakabinbing priority bills ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa natitirang 6 session days ng 19th Congress, inurong ang pagbasa ng articles of impeachment sa June 11.
“Ang impeachment complaint ay nasa Senado na so we leave to their sound discretion how they want to proceed. We have to respect the decision of Senate President,” ani Romualdez.
“But we hope things will resolved positive for all,” ayon pa kay Romualdez na indikasyon na hindi pa nito isinusuko ang impeachment laban sa Pangalawang pangulo na numero uno nitong kritiko.
Sa kabila nito, hindi naitago ng isang sa miyembro ng Prosecution Panel na si Iloilo Rep. Lorenz Defensor ang pagkadismaya sa naging desisyon ng Senado dahil tiyak na lalong madedelay ang impeachment trial dahil pagkatapos ng June 11 ay holiday na kinabukasan, June 12 o Araw ng Kalayaan.
“Dismayado ang prosecution team lalo na kawalan ito sa taumbayan na mapaaga ang pagprisinta ng ebidensya ng prosecution at ang defense team mismo. The sooner that we can start and finish the impeachment trial, the better for our country para may closure ang ating taumbayan at ang ating vice-presidente,” ani Defensor.
(May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)
