IMEE MARCOS KINASTIGO SA KAWALAN NG HUSTISYA AT ACCOUNTABILITY

KINASTIGO sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Senator Imee Marcos matapos niyang ideklarang ‘patay’ na ang impeachment case laban sa kanyang kaibigang si Vice President Sara Duterte-Carpio kahit hindi pa nasisimulan ang paglilitis.

“Ito ang hirap sa mga taong hindi sanay na pinapanagot sa mga kasalanan sa bayan tulad ni senadora Marcos at VP Duterte. Akala nila na kahit magnakaw sila at ang kanilang pamilya ng bilyun-bilyon ay ok lang ito basta magpakalat lang sila ng fake news at disinformation para linlangin ang mga tao,” punto ni ACT party-list representative France Castro.

Ayon sa mambabatas, matibay ang ebidensyang nilustay lang ni Duterte ang kanyang confidential at intelligence funds na umaabot sa P612.5 million at nakatakdang ilatag ito sa impeachment court subalit ngayon pa lamang ay idineklara ni Marcos na patay na ito.

Kabilang sa mga ebidensyang ito ay ang mga pekeng pangalan na isinumite ng tanggapan ni Duterte sa Commission on Audit (CoA) na tumanggap ng milyong-milyong confidentials funds subalit ayaw ni Marcos na kilalanin ito dahil kaibigan niya ang nasasangkot at ayaw niyang panagutin.

Sinabi naman ni ACT Teacher party-list representative-elect Antonio Tinio na ang ganitong inaasta ni Marcos ay kawalan ng interes na panagutin ang mga nagkasala sa batas at taumbayan at posibleng maging daan upang lahat ng mga naglulustay ng pera ay hindi aabsuweltuhin na lamang.

“Ang pagsasabing ‘talo na ang impeachment’ ay malinaw na pamamaraan ng pagpapalaganap ng kawalang pananagutan. Hindi dapat hinahayaan ang ganitong mindset sa pamahalaan,” ani Tinio.

“Paano na ang katarungan at accountability sa mamamayan kapag ganito ang mga namumuno? Limpak-limpak na pera ang di mapaliwanag saan ginastos at kung ano ang ginawa, tapos ok lang sa kanila,” dagdag pa nito.

Nagbabala naman si Castro na kapag hindi napanagot si Duterte sa paglustay sa kaban ng bayan ay lalong dadami ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan dahil alam nilang hindi sila mapaparusahan kapag may kakampo ang mga ito tulad ni Marcos.

“Kaya dapat na talagang masimulan na ng maayos ang impeachment at mapanagot si VP Duterte. Kung hindi, uulitin lang niya iyan at mas malaking halaga pa ang mawawala. Gagayahin din siya ng iba pang politiko,” sabi pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

43

Related posts

Leave a Comment