TIGIL NA AYUDA DAHIL TAPOS NA ANG ELEKSYON

DPA ni BERNARD TAGUINOD

LALO lamang napatunayan na sadyang isiningit sa 2025 national budget ang pondo sa mga ayuda para sa katatapos na midterm election dahil tuluyan nang itigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programang ito.

Marami pa raw pondo para sa Assistant to Individuals in Crisis Situation (AICS), Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD, at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinuspinde ang implementasyon ng mga programang ito noong Mayo 1, 2025 o 10 araw bago ang midterm election at itutuloy raw ng Hunyo dahil maraming na-encash na pondo ang mga local DSWD.

Pero biglang ipinabalik ng DSWD national ang mga na-encash na pondo ng mga ayudang ito kaya ‘yung mga for implementation sana sa mga hindi nakakuha ng ayuda sa mga politiko noong panahon ng kampanya ay mabibigyan sana ng tulong pinansyal, pero hindi na raw itutuloy.

Indikasyon ito na sadyang ginamit ang programang ito para pambili ng boto ng mga politikong kaalyado ng administrasyon sa bawat sulok ng bansa, dahil kung hindi ay dapat ituloy ang hindi naimplementang mga programa.

Noong panahon ng kampanya, halos lahat ng incumbent congressmen ay kaliwa’t kanan ang pamimigay ng ayuda sa kanilang mga constituent na ang requirement ay dapat rehistradong botante.

Bukod sa pondo ng congressmen ay may ibinibigay pa sa kanila ang mga incumbent party-list group na malalakas sa liderato ng Kamara at administrasyon at mga senador, na pondo para sa ayuda.

Kaya masyadong abala noong panahon ng kampanya ang incumbent congressmen na ang taktikang ginagamit ay ipatatawag sa isang lugar ang nakalistang beneficiaries, magpoprograma at mangangampanya muna bago papasukin ang mga tauhan ng DSWD para ibigay ang ayuda.

Palalabasin ni Congressman na mula sa kanya ang pondo at hindi binabanggit ‘yung mga senador at party-list na nagbigay rin ng pondo at ang masaklap, kapag ang isang tao o pamilya na alam niyang supporters ng kanilang kalaban, ay hindi isasama sa listahan ng beneficiaries.

Kaya maraming tao ang hindi nakatanggap ng ayuda noong nakaraang eleksyon pero may mga naglista sa kanila para makatanggap ng ayuda pagkatapos ng halalan, subalit hindi na sila makatatanggap ng tulong pinansyal dahil ipinatigil na ng DSWD ang pamamahagi ng ayuda.

Kung talagang bukal sa loob ng gobyerno na tulungan ang mga kapos ay hindi dapat ipinatigil ang programang ito dahil naglaan na rin lang naman sila ng pondo para riyan pero bakit ititigil? Dahil tapos na ang eleksyon?

Walang impormasyon kung magkano pa ang natitirang pondo sa mga ayudang ito at kung hindi ‘yan gagamitin. Saan dadalhin ang pondong hindi na gagamitin dahil tapos na ang eleksyon?

48

Related posts

Leave a Comment