NAGKASUNDO ang mga defense chief ng Japan, United States at Australia na tulungan ang Pilipinas na dagdagan ang defense capabilities ng bansa bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na makalikha ng free and open Indo-Pacific region.
Ang kasunduan ay nabuo sa ginanap na quadrilateral defense meeting sa Singapore noong nakalipas na linggo.
Nagkaisa ang defense ministers na magluwas ng mga kagamitan sa Pilipinas para makatulong na mapalakas ang kakayahan ng bansa sa pagtatanggol sa karapatan nito sa bahagi ng South China Sea.
Plano ng tatlong kaalyadong bansa ng Pilipinas na magsagawa ng surveillance and reconnaissance activities at sama-samang mangalap ng impormasyon.
Kinumpirma ng Department of National Defense ang nasabing pagpupulong sa sideline ng ginaganap na Shangri-La Dialogue sa Singapore sa pamamagitan ng paglalabas nila ng joint statement.
Sa isang new items na inilabas ng NHK TV, bago ang nasabing quadrilateral defense meeting sa Singapore, nagkaroon muna ng trilateral talks sa pagitan ng defense ministers mula sa Japan, US at Australia.
“They agreed to carry out exercises to test fire US Tomahawk cruise missiles and build an information-sharing mechanism for their missile defense systems.”
Dumalo sa nasabing quadrilateral talks sina Japanese Defense Minister Nakatani Gen, US Defense Secretary Pete Hegseth, Australian Defense Minister Richard Marles at Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro.
Sa pagbubukas ng pagpupulong, inihayag ni Nakatani na pinaiigting ng China ang kanilang mga aktibidad sa East at South China Seas.
Gusto ni Nakatani na magkaroon isang masusing pagtalakay ang apat na bansa hinggil sa defense cooperation.
Kapwa nagpahayag ang apat na defense chief ng kanilang pagkabahala sa mga ikinikilos ng China na lumilikha ng regional instability, at sa pagtatangka nito na baguhin ang status quo unilaterally sa pamamagitan ng puwersa o panggigipit.
Una nang inihayag ni Hegseth na naghahanda ang China sa posibleng paggamit ng military force sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Ayon pa kay Hegseth sa ginanap na Shangri-La Dialogue, “China was credibly preparing to use military force to upend the balance of power in Asia,” na umani naman ng matinding pagtuligsa sa Beijing.
“The threat China poses is real and it could be imminent,” ani Hegseth sa ginanap na Shangri-La Dialogue, na dinaluhan ng defense officials mula sa iba’t ibang panig ng mundo bukod sa China.
(JESSE KABEL RUIZ)
