QUEZON – Dalawa pang bangkay ang nadiskubre sa ilalim ng bangin sa Marilaque Highway sakop ng Sitio Tigkay, Brgy. Magsaysay, sa bayan ng Infanta sa lalawigang ito, noong Lunes ng tanghali.
Ayon sa Infanta police, ini-report ng mga barangay official ang pagkakatuklas sa dalawang hindi pa kilalang mga biktima na nakita sa nasa 20 metrong lalim ng bangin sa gilid ng Marilaque Road. Nasa state of decomposition na ang mga ito.
Ang mga ito ang ikaapat na bangkay na nakita sa bangin sa kahabaan ng Marilaque Highway sa loob ng isang linggo.
Noong nakaraang Undas, Nobyembre 1, dalawang magkapatong na bangkay ng lalaki ang natagpuan din sa tinatayaang 20 metrong lalim ng bangin sa Sitio Maysawa, Brgy. Cuyambay, Tanay, Rizal.
Hindi pa rin nakikilala ng dalawang biktima, na ayon sa Tanay Police ay posibleng hindi doon pinaslang at inihulog lamang sa bangin ang mga katawan.
Halos nasa 70 kilometro ang layo ng dalawang lugar pero isang oras at kalahati lamang ang pagitan ng biyahe.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam kung magkaugnay ang dalawang insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
333