BINANSAGANG pinakamahirap na probinsya o ‘poorest of the poor’ sa Gitnang Luzon ang lalawigan ng Nueva Ecija, base sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) at ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nasa 6.4 milyong indibidwal ang sinuri ng DSWD kung saan 1,548,767 ang na-identify na poorest of the poor sa Gitnang Luzon. Sa bilang na ito, ang Nueva Ecija ay mayroong pinakamahirap na residente na umaabot sa 417,939. Bumagsak ang kalidad ng kabuhayan ng mga Novo Ecijano sa loob ng mahabang pamumuno ni Governor Aurelio “Oyie” Umali sa probinsya.
Base sa inilabas na “Listahan 3” ng DSWD Region 3, pinaka-kulelat ang Nueva Ecija kung pagbabasehan ang kalidad ng pamumuhay ng mga residente. Mayroong naitalang 76,691 o 28.35% na ‘poorest of the poor’ sa Nueva Ecija, sinundan ito ng Bulacan na may 17.71%, Tarlac na may 15.59%, Zambales na may 13.10%, Pampanga na may 9.67%, Bataan na may 8.11%, at Aurora na may 4.49%.
Ginawa ng DSWD Region 3 ang naturang pag-aaral upang mabatid ang indicators at lantarang senyales ng kahirapan sa isang probinsya. Binigyang-diin din sa ulat ang nakababahalang antas ng kahirapan, limitadong access sa mahahalagang serbisyo, at mababang kalidad ng sektor ng agrikultura.
Binatikos ng grupong Novo Ecijano: Kontra Korap at Karahasan (NE-KKK) ang anila’y lantarang korupsyon at kawalang-interes ng kasalukuyang namumuno sa probinsya para iangat ang kabuhayan at dignidad ng mga Novo Ecijano.
“Ang mahabang panahon na pananatili ng mga Umali ay pumigil sa pag-unlad ng probinsya. Naiwanan na tayo ng milya-milya ng mga karatig-probinsya natin sa Gitnang Luzon,” wika ni Sonny Valencia, tagapagsalita ng NE-KKK.
Sa Mayo 12, apat na Umali ang muling papalaot sa matataas na posisyon. Ito ay sina Oyie Umali (gobernador), Cherry Umali (congresswoman), Anthony Umali (mayor), at ang bagong recruit na kapamilya ng Umali na si Lemon Umali na gustong maging bise gobernador.
Giit ni Valencia, labing walong taon nang nanunungkulan ang pamilya ni Governor Aurelio Umali sa Kapitolyo subalit lalo lamang nabaon sa kahirapan ang probinsya.
“Hindi pa nakuntento ang pamilya ng mga Umali, isa na namang kaanak nila ang ipapasok sa kapitolyo (Lemon Umali) kahit wala namang track record sa pulitika o sa kahit anomang larangan. Labis-labis na ang ginagawang paghahari ng pamilyang ito,” wika ni Valencia.
Samantala, ayon sa 2023 Rankings of Provinces ng Department of Trade and Industry (DTI), nasa pinaka-kulelat din ang Nueva Ecija sa Gitnang Luzon alinsunod sa indicators ng paglago ng Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation.
“Dati po tayong tinitingala sa Region 3 at pinupuri ng mga karatig nating probinsya. Sa loob ng 18 taon nilang (Umali) paghahari sa probinsya ng Nueva Ecija – puro lamang pangako at bangungot ang naiambag nila sa buhay ng mga Novo Ecijano,” ani Valencia.
(JOEL AMONGO)
