NAGLAAN ng kalahating milyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan at ang lokal na Pamahalaan ng Kalibo sa kinaroroonan ng suspek sa pamamamril sa beteranong mamamahayag na si Johnny Dayang sa Villa Salvacion, Brgy. Andagao, Kalibo noong Abril, 29 taong kasalukuyan.
Sa ulat na nakarating sa Kampo Crame, sinabi ni Aklan Police Provincial Office (APPO) spokesperson Police Captain Audrey, sa backtracking ng Special Investigation Task Group (SITG) ay nakilala na ang suspek.
Lahat na posibleng dinaanan ng suspek ay ni-review ng SITG ang CCTV footage hanggang sa nakita ito na hindi nakasuot ng helmet dahilan upang makita ang kanyang mukha.
Napag-alaman din na nag-check-in pa ang suspek sa isang hotel kung saan ay nakuha ang kanyang impormasyon dahil sa nakasulat sa kanyang ID. Nakilala ang suspek na si BB Kim Wency Antonio.
Tinitingnan ngayon ng pulisya kung gun for hire ang suspek. Natuklasan din na dati nang nakulong si Antonio dahil sa ilegal na droga sa Lungsod ng Pasig noong Mayo 2021.
(TOTO NABAJA)
