TATLONG tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang 54-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng isang hindi kilalang gunman sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila noong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District- Homicide Section, ang biktimang si Solayman Malges, tubong Sarangani City at naninirahan sa Isla Puting Bato sa Tondo.
Batay sa ulat nina Det. John Teody Siguen at Det. Sir Joseph Christian Pineda, bandang alas-11:50 ng tanghali nang mangyari ang pamamaril sa biktima.
Salaysay ng 38-anyos na lalaking anak ng biktima, kalalabas lang umano ng bahay ang kanyang ama na halos magkasabay pa sila. Hindi naman idinamay ng suspek ang anak ng biktima.
Pagdating ng nagrespondeng mga pulis sa pangunguna ni Lt. Aguila, dinala na sa mosque ang bangkay ni Malges bilang pagsunod sa tradisyon ng mga Muslim.
Patuloy ang mga awtoridad sa nangangalap ng testigo sa lugar na maaaring magbigay ng linaw at matumbok kung sino ang dapat managot sa krimen dahil tikom ang bibig ng mga residente sa lugar.
Ayon sa inisyal na ulat, may anggulong droga ang isa sa motibo ng pamamaril.
May nagsasabi namang nakipag-away ang biktima noong isang gabi at ginantihan lamang umano si Malges. (RENE CRISOSTOMO)
265 