SPORTS BITES
IMAKULADA pa ang Gilas Pilipinas Youth sa FIBA U18 Asian Championships matapos talunin ang Qatar, 77-61, Lunes ng gabi sa Azadi Basketball Hall sa Tehran, Iran.
Muling pinangunahan ng Fil-Australian Mason Amos ang Batang Gilas sa kanyang 19 points, 7 rebounds at isang steal, habang si Jared Bahay ay 9-of-11 mula sa free throws at nagtapos na may 15 puntos, tatlong board at tatlong assist.
Unang tinalo ng Pilipinas ang Syria sa dominanteng 64-puntos na kalamangan, 112-48, nitong weekend.
Paga-agawan ng Batang Gilas at kapwa walang talong Chinese Taipei, Miyerkoles ng hapon ang top spot sa Group C.
Apat na silya sa FIBA World Cup sa Switzerland ang nakataya sa U18 Asian Championships.
MOJDEH SABAK SA FINA WORLD JUNIORS
SI Micaela Jasmine Mojdeh ang magrerepresenta sa Pilipinas sa 8th FINA World Junior Swimming Championships sa Videna Aquatic Center sa Lima, Peru simula Agosto 30 hanggang Setyembre 4.
Ang 16-anyos na si Mojdeh ay sasabak sa maximum five events kada swimmer na kinabibilangan ng 400m free, 100m at 200m fly, 200m at 400m individual medley.
Unang sumabak si Mojdeh sa international tourney sa edad 13-anyos sa 10th Asian Age Group Swimming Championships noong 2019 at nakatuntong sa 14 & Under Division finals sa 50m breast, 50m, 100m at 200m fly events.
Hinawakan niya rin ng ilang beses ang 13 & Under PH Junior national records sa 100m fly, 200m fly at 200m IM. (ANN ENCARNACION)
