(ELOISA SILVERIO/CHRISTIAN DALE)
NAGMISTULANG dagat ng dugo ang larawan ng loob at labas ng Philippine Arena sa dami ng dumating na tagasuporta ng UniTeam sa bayan ng Sta. Maria kung saan pormal na ginanap ang proklamasyon ng kandidatura ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos para Presidente at dating Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para bise-presidente.
Kilala bilang world’s largest indoor arena, hindi pa rin humusto ang Philippine Arena para sa mahigit 560,000 tao sa labas at loob ng nasabing pasilidad.
Sa tala ng mga itinalagang marshals, nasa 26,000 katao lamang ang pinahintulutang makapasok sa loob ng Philippine Arena, bilang pagsunod sa panuntunang magkatuwang na inilatag ng Commission on Elections (Comelec) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Sa panayam sa mga dumalo, lumalabas na sa Philippine Arena complex na nagpalipas ng magdamag ang marami sa mga tagasuporta ni Marcos na karamihan ay nagmula pa sa malalayong lalawigan, sa pagnanais na makasigurong makakapasok sila sa loob ng nasabing coliseum para personal na saksihan ang makasaysayang proklamasyon.
Paglalarawan ng mga motorista, mistulang “Red Sea” ang labas ng Philippine Arena mula sa North Luzon Expressway (NLEX).
Bandang ala-1:00 ng tanghali, nagsimulang magpapasok ng mga tagasuporta ng tambalang BBM-Sara para sa halalan sa Mayo. Una namang dumating sa Philippine Arena sina dating presidential spokesperson Harry Roque at dating Public Works Secretary Mark Villar.
Bago sinimulan ang programa, nagpaunlak naman ng panayam ang tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez. Pag-amin ni Rodriguez, hindi pa kumpleto ang kanilang senatorial line-up. Aniya, pinag-aaralan pang mabuti ng UniTeam kung sino pa sa ibang aspiranteng nagpahiwatig ng pagnanais maging bahagi ng UniTeam senatorial team.
“We are still in the process of finalizing who gets the last slot, marami ang gusto sumama at tumugon sa panawagan ni BBM na pambansang pagkakaisa at pagbubuklod-buklod,” ayon kay Rodriguez, kasabay ng pagtitiyak na isasapubliko na sa mga susunod na araw ang mapipili ng UniTeam para sa huling slot ng kanilang ticket.
Kabilang naman sa mga pormal na ipinakilalang kandidato para senador nina Marcos at Duterte sina Senators Sherwin Gatchalian and Juan Miguel Zubiri, former Defense secretary Gilbert Teodoro, former DPWH Secretary Mark Villar, former Palace spokesperson Harry Roque, Rep. Loren Legarda, former senator Jinggoy Estrada, Rep. Rodante Marcoleta, former Quezon City mayor Herbert Bautista, lawyer Larry Gadon, at si former senator and Information and Communications Technology secretary Gregorio “Gringo” Honasan II.
Dumating din sa okasyon ang pambato ng mga Manilenyo bilang alkalde sa local election na si Atty. Alex Lopez.
Kaugnay nito, wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng pinakamaimpluwensyang religious sect na Iglesia Ni Cristo (INC) kung sino ang ieendorsong mga kandidato.
Umaasa naman si Atty. Lopez na siya ang dadalhin ng INC sa Maynila dahil sa malinaw niyang plataporma at nakapormang mga programa para sa mahihirap na Manilenyo. (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
228
