NAGSAGAWA ng joint inspection na pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Port of Manila (POM), Legal Service, Philippine Coast Guard at Barangay officials, sa dalawang warehouses sa Pulang Lupa, Las Piñas City, at Bacoor City, Cavite noong Huwebes, Setyembre 14, 2023.
Bago ang nasabing inspeksyon, isang malawak na imbestigasyon, surveillance, at test purchases ang isinagawa ng mga awtoridad.
Ang nabanggit na warehouses ay naberipikang nag-iimbak ng rice products mula sa Vietnam, Thailand, at China, na may halagang P40 milyon.
Sa isinagawang imbestigasyon, nadiskubre na ang mga negosyante ay nagbebenta ng kada sako ng 25-kilo ng Vietnam rice sa halagang P1,320 sa merkado, katumbas ng P52.8 kada kilo.
Ang presyo ay lagpas sa itinakda ng Department of Agriculture na P41-45 kada kilo para sa well-milled at regular-milled rice.
Sinabi naman ng mga may-ari ng mga warehouse na hindi sila mga importer subalit rice traders sila.
Bilang tugon, ang Customs operatives ay hiniling sa mga may-ari na magbigay ng katibayan na nagbabayad sila ng tamang duties and taxes mula sa kanilang supplier o importer.
Kaugnay nito, ang mga may-ari ay binigyan ng 15-day period para magsumite ng kaukulang mga dokumento para patunayan na legal ang importasyon ng sako-sakong bigas at tama ang pagbabayad ng duties and taxes.
Ang operasyon ay isinagawa na nakalinya sa direktiba ni President Ferdinand Marcos, Jr., para patindihin ang kanilang pagsisikap laban sa rice smuggling, hoarding and illicit trading sa bansa na ang layunin ay matiyak ang abot-kayang pangunahing pagkain para sa mga Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bigas.
(JOEL O. AMONGO)
