BINATA PINALO NG BOTE NG KAPWA OBRERO

MALUBHA ang kalagayan sa pagamutan ng isang 20-anyos na construction worker makaraang paluin ng bote ng alak ng kapwa trabahador sa ginagawang gusali sa Comandante Street, Barangay 309, Quiapo Manila nitong Martes ng madaling araw

Kinilala ang biktimang si Gerald Mordido, binata, stay-in sa ginagawang gusali at naninirahan sa Calamba City, Laguna.

Samantala, naaresto naman ang suspek na si Ronald Gomez, 42, ng nasabi ring lalawigan at stay-in din sa construction site.

Ayon sa ulat ni Police Major Fredwin Sernio, hepe ng Station Investigation Division Management Branch ng Sta. Cruz Police Station 3 ng Manila Police District, bandang alas-12;00 ng madaling araw nang magkaroon ng matinding pagtatalo ang dalawa habang nakikipag inuman.

Nagsuntukan umano ang dalawa ngunit nakadampot ng bote ang suspek at pinagpapalo sa ulo ang biktima.

Nang hindi magpaawat ang dalawa ay nagtungo sa malapit na barangay ang kanilang mga kasamahan upang humingi ng tulong.

Ngunit pagbalik nila ay nakalugmok na ang biktima na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center, sa tulong ng nagrespondeng mga tauhan ng Sta. Cruz Police Station, habang kusang loob namang sumuko ang suspek.

Batay sa salaysay ng suspek, dinipensahan lamang niya ang kanyang sarili sa pag-atake ng biktima.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong frustrated homicide. (RENE CRISOSTOMO)

43

Related posts

Leave a Comment