BULACAN – Dinampot ng mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group ang dalawampu’t apat katao kabilang ang 12 na menor de edad, sa ilegal na karera ng motorsiklo noong Lunes ng gabi sa San Rafael, Bulacan.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng sumbong ang PNP-HPG hinggil sa ilegal na karerahan ng motorsiklo sa Mabalas-Balas-Gasan Maasim Bypass Road.
Dahil sa nasabing sumbong ay kaagad na tinungo ng PNP-HPG ang lugar kasama ang mga opisyal ng barangay at San Rafael Municipal Station, dakong alas-sais ng gabi at doon naabutan ang mga kalalakihan at pinagdadampot ang mga ito kabilang ang isang 12-anyos na binatilyo.
Bukod sa dinampot na mga kalalakihan kasama rin na na-impound ang 19 na motorsiklo.
Sasampahan ng patong-patong na kaso ang nadakip na mga kalalakihan habang ang mga menor de edad ay ililipat ng pangangalaga sa DSWD.
(TOTO NABAJA)
