IBINUNYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte na sa Camp Crame siya makulong matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong grave threats.
Sa isinagawang pulong-balitaan sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, sinabi ni Remulla na nagbago ang posisyon ng kampo ng Pangalawang Pangulo matapos malaman na handang ibigay ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kaukulang courtesy sa kanyang posisyon.
Kabilang dito ang hindi paghahalo kay Duterte sa mga regular na detainee at ang pagtulong sa kanya na makapagpiyansa sa Quezon City Hall of Justice.
Kaagad umanong nakipag-ugnayan si CIDG Director PMGen. Robert Alexander Morico II sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa Mandaluyong, gayundin sa kanyang Vice Presidential Security Group, noong araw na inilabas ang warrant.
Nang magpasya si Duterte na magpiyansa na lamang sa Quezon City Regional Trial Court noong Sabado, dito na umano naputol ang komunikasyon sa pagitan ng dalawang kampo.
“Ang drama nila, gusto nilang makulong siya, hindi kami pumayag,” pahayag ni Remulla.
(TOTO NABAJA)
56 