PATAY NA SANGGOL ISA SA BENEFICIARIES NG OVP CONFIDENTIAL FUNDS

LUMITAW na isang dalawang buwang gulang na sanggol na namatay noong 1965 ang kabilang umano sa mga nakalistang tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), batay sa pagsusuri ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ito ang lumabas sa testimonya ni PSA Assistant National Statistician Marizza B. Grande sa ika-22 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court.

Sa pagdinig, sinabi ni Grande na ang pangalang Marlin Sunga na nakalista sa acknowledgment receipt (AR) ng OVP ay tumutugma sa isang sanggol na namatay noong Nobyembre 2, 1965.

Sa pagtatanong ng prosekusyon, kinumpirma ni Grande na ang naturang pangalan ay tumutugma sa isang taong matagal nang namatay bago pa umano maibigay ang confidential funds na nakalista sa AR.

Bukod kay Sunga, tumugma rin umano sa mga menor de edad ang ilang pangalan sa mga dokumento ng OVP, kabilang sina Miko Alquizar at Beatrice Cuenca na kapwa isang taong gulang lamang noong 2023.

Tumugma rin umano ang pangalang Mikay delos Reyes sa isang anim na taong gulang na bata na nakalista umanong tumanggap ng P200,000.

Samantala, sinabi ng PSA na ang mga pangalang Fortunato Salig, Rodolfo P. Traya at Emilio Sagan ay tumugma rin sa mga indibidwal na matagal nang namatay bago pa ang petsa ng umano’y pagtanggap ng confidential funds.

Ayon kay Grande, 37 pangalan sa mga acknowledgment receipt ng OVP ang tumugma sa death records ng PSA, habang 25 pangalan naman ang tumugma sa birth records ng mga menor de edad.

1,685 pangalan walang record sa PSA

Kinumpirma rin ni Grande na 1,685 sa kabuuang 2,669 pangalan mula sa confidential fund payee lists ng OVP at Department of Education (DepEd) ang walang natagpuang matching birth, marriage o death record sa PSA.

Sa 1,992 pangalan mula sa listahan ng OVP, 1,287 ang walang matching record. Samantala, sa 677 pangalan mula sa listahan ng DepEd, 398 ang walang matching record.

Ipinaliwanag ni Grande na sinuri ng PSA ang lahat ng 2,669 pangalan gamit ang tatlong uri ng civil registry records—birth, marriage at death.

Isa sa mga tinalakay sa hearing ang pangalang “Mary Grace Piattos,” na isa sa mga pangalang lumitaw sa mga dokumento kaugnay ng confidential funds.

Ayon kay Grande, walang natagpuang birth, marriage o death record sa PSA para sa pangalang Piattos.

“Base po doon sa information na ibinigay at sa aming pong database, wala pong record ng kapanganakan, wala pong record ng kasal at wala rin pong record ng kamatayan ang isang Mary Grace Piattos po,” ani Grande.

Sinabi rin ng testigo na maaaring magkaroon ng isang matching record, maraming matching record o walang matching record sa bawat pangalan na isinasailalim sa verification.

Halimbawa, ang pangalang “Jason Ramos” ay may 907 posibleng birth records, 305 marriage records at 53 death records dahil karaniwan umano ang naturang pangalan.

Binanggit din ni Grande ang mga pangalang Adonis Mascariñas at Anselmo Sta. Cruz mula sa listahan ng OVP, gayundin sina Joel Mataflorida, Paolo Fernan at Ramil Dabon mula sa listahan ng DepEd. May mga marriage record umano ang mga naturang pangalan na isinumite bilang ebidensya sa impeachment court.

Ayon kay Grande, nagsimula ang verification matapos humingi ng tulong sa PSA ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa ilalim ni Rep. Joel Chua.

Dalawang letter request ang ipinadala sa PSA noong Disyembre 5 at 8, 2024, para sa beripikasyon ng mga pangalan.

Sinabi ni Grande na ipinadala ng PSA ang mga resulta sa pamamagitan ng official response at certification, kabilang ang sagot na may petsang Disyembre 11, 2024 para sa OVP list.

Para naman sa panibagong request noong Hunyo 25, 2026, muling sinuri ng PSA ang mga pangalan at nag-isyu ng official response noong Hunyo 26, kasama ang verification results at certified copies ng mga civil registry document.

Sa huling bahagi ng testimonya ni Grande, tinanong siya ni Private Prosecutor Atty. Mae Divinagracia kung tama ang naging buod ng kanyang mga pahayag.

“Base po doon sa mga pangalan na ibinigay sa PSA na amin pong vinerify, at sa amin pong verification, at sa summary tabulation po kanina, ang mga impormasyon po na ito ay 100 percent accurate, tumpak po,” sagot ni Grande.

Kinuwestiyon paggamit ng confidential funds

Dahil sa mga natuklasan ng PSA, hiniling ng House prosecution panel sa kampo ni Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang mga pangalan na nakalista sa acknowledgment receipts ng confidential funds.

Sa mga dokumento, may mga pangalang tumugma umano sa mga taong matagal nang namatay at mga menor de edad, habang may iba namang walang natagpuang anumang civil registry record.

“Talagang may misuse. Kasi unang-una, paano ka pa naman kukuha ng isang information sa matagal nang patay?” pahayag ni House Spokesperson Zia Alonto Adiong sa isang press briefing.

Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos ang testimonya ni Grande sa impeachment trial.

Ayon kay Adiong, mahalaga ang verification ng PSA dahil may pangalan, lagda, petsa at lugar na nakalagay sa mga acknowledgment receipt na isinumite bilang patunay ng umano’y pagtanggap ng confidential funds.

“But on the side of the prosecution, we presume that these are real people kasi pinapirma sila sa AR,” paliwanag ni Adiong.

Sinabi ni Adiong na lalo lamang pinalakas ng PSA verification ang mga katanungan ng prosekusyon hinggil sa paggamit ng pondo ng bayan, partikular kung paano mabibigyang-katwiran ang paggastos ng confidential funds gamit ang mga pangalang tumutugma sa mga taong matagal nang patay o mga batang hindi pa umano kayang magbigay ng naturang impormasyon.

Kaugnay nito, sinabi ng prosekusyon na hindi na nito ipapatawag bilang testigo si “Mary Grace Piattos” matapos kumpirmahin ng PSA na walang kaukulang birth, marriage o death record para sa naturang pangalan.

Ang testimonya ni Grande ay bahagi ng ebidensyang inihaharap ng prosekusyon laban kay Duterte kaugnay ng paggamit at liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd.

(DANG SAMSON-GARCIA/TINA MENDOZA)

69

Related posts

Leave a Comment