PORMAL nang inihain ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez, resigned congressman at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dalawa pang indibidwal kaugnay ng umano’y multi-billion-peso kickback scheme sa mga flood control project.
Kinumpirma ng Sandiganbayan Judicial Records Division ang pagsasampa ng kaso, na na-raffle na sa Third Division ng anti-graft court.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, kabilang sa mga respondent sina Joselyn Tragua Serenio, personal assistant ni Romualdez, at Felicito Cristobal Guevarra ng Samchan Foreign Exchange Corporation.
Inihain ang kaso ni Assistant Ombudsman Mico Clavano at sinasabing umaabot sa P7.44 bilyon ang pondong sangkot sa umano’y anomalya.
Itinuturing umano ng Ombudsman si Romualdez bilang isang “big fish” sa kaso dahil sa lawak ng halagang sangkot.
Bukod sa plunder, sinabi ni Remulla na posibleng madagdagan pa ang mga kasong isasampa laban sa mga respondent, kabilang ang bribery, money laundering at iba pang kaugnay na paglabag.
Iginiit ng Ombudsman na patuloy ang kanilang imbestigasyon at hindi pa ito ang huling hakbang sa pag-usig sa mga posibleng sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Romualdez Haharapin ang Kaso
Samantala, sinabi ni House prosecution panel spokesperson Zia Alonto Adiong na haharapin ni Romualdez ang kasong isinampa laban sa kanya.
“We are certain that the Speaker will face these charges head-on,” pahayag ni Alonto Adiong nang hingan ng reaksyon sa kaso.
Ayon kay Adiong, mula pa nang simulan ng Ombudsman ang imbestigasyon ay palagi nang sinasabi ni Romualdez na sasagutin niya ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nanatili rin umano sa bansa si Romualdez at nakilahok sa mga isinagawang imbestigasyon.
“In fact, his confidence about proving his innocence is evident by the fact that he never left the country,” ani Adiong.
Unang na-link si Romualdez sa kontrobersiya noong Setyembre 2025 nang banggitin ng mag-asawang Discaya ang kanyang pangalan sa Senate Blue Ribbon Committee hearing.
May iba pang alegasyong lumutang, kabilang ang pahayag ni Orly Guteza hinggil sa umano’y paghahatid ng pera kina Co at Romualdez, gayundin ang mga affidavit ng ilang dating security personnel ni Co na nagsabing naghatid din sila ng pera kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Romualdez at iba pa.
Kalaunan, nag-recant ang ilan sa mga testigo, kabilang si Guteza, na nagsabing pinagawa lamang sa kanya ang naturang testimonya nina Senador Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor upang gumawa ng mga akusasyon.
Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang mga paratang na tumanggap siya ng kickback at iginiit na wala siyang kinalaman sa pagpapalabas ng pondo o pagpapatupad ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bago pa man maisampa ang kaso, nanawagan ang legal counsel ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo ng patas na proseso at sapat na pagkakataon para masagot ng dating House Speaker ang mga alegasyon.
Hiniling din ng kanyang legal team na mabigyan sila ng kopya ng mga pahayag ng 28 bagong testigo ng Ombudsman upang makapagsumite sila ng kaukulang tugon at kontra-affidavit.
Iginiit din ni Fajardo na dapat sana’y inabisuhan ng Ombudsman ang kanilang kampo kung may opisyal na pahayag si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan laban kay Romualdez habang nasa preliminary investigation stage pa lamang ang kaso.
Muling iginiit ng legal team ni Romualdez na walang matibay at mapagkakatiwalaang testigo na direktang nag-uugnay sa dating House Speaker sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Samantala, nang tanungin hinggil sa magiging posisyon ng Lakas-CMD, kung saan chairman si Romualdez, sinabi ni Adiong na wala pa silang nakakausap na mga miyembro ng partido kaugnay ng kasong isinampa.
(JULIET PACOT AT TINA MENDOZA)
83 