TARGET ni JOEL O. AMONGO
HINDI sapat ang mga pangako upang maibsan ang kahirapan. Kailangan ng konkretong programa, sapat na suporta at mga serbisyong direktang nararamdaman ng mga pamilyang Pilipino. Ito ang hamong patuloy na dapat tugunan ng pamahalaan.
Sa ganitong layunin nakatuon ang pagsusulong ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Emmanuel “Manny” Pacquiao Sr. sa mga programang tutulong sa mga mahihirap at pamilyang matagal nang naghihintay ng mas maayos na buhay.
Noong Oktubre 17, pinangunahan ni Pacquiao ang paggunita sa 2026 International Day for the Eradication of Poverty at National Week for Overcoming Extreme Poverty sa Maynila.
Bitbit ng pagdiriwang ang temang “Nagkakaisa para sa Kapayapaan at Karapatang Pantao: Ligtas na Tahanan para sa Lahat.” Paalala ito na ang paglaban sa kahirapan ay hindi lamang tungkol sa pera, kundi pati sa dignidad, seguridad at pagkakataong mamuhay nang maayos.
Sa ilalim ng adbokasiyang “Knockout ang Kahirapan,” nais palakasin ng NAPC ang pagtulong sa mga sektor na madalas na naiiwan sa mga programa ng pamahalaan.
Kasama rito ang mga pamilyang nangangailangan ng disenteng tahanan, matatag na kabuhayan at pagkakataong makapag-aral ang kanilang mga anak. Ito ang mga batayang pangangailangan na dapat maabot ng bawat Pilipino.
Mahalaga ang ganitong direksyon dahil hindi pare-pareho ang kalagayan ng mga mahihirap. May mga walang permanenteng trabaho, may mga pamilyang kulang ang kita, at mayroon ding mga komunidad na hirap makakuha ng pangunahing serbisyo.
Sa programang “Masaganang Pamumuhay sa Bagong Pilipinas,” hamon kay Pacquiao na matiyak na ang mga plano ay maisasalin sa mga proyektong may malinaw at pangmatagalang pakinabang sa mga benepisyaryo.
Kaugnay nito, mahalaga rin ang pakikipagtulungan ng NAPC sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang mas mapalawak ang mga oportunidad para sa mga nangangailangan.
Isa sa mga hakbang na ito ang pakikipag-ugnayan ni Pacquiao kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. upang palakasin ang mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda.
Tinalakay ng dalawang opisyal ang pag-uugnay ng kanilang mga programa, pagpapalawak ng kabuhayan at pagpapahusay ng produksyon sa agrikultura, kabilang ang suporta sa irigasyon at pangisdaan.
Mahalaga ang ganitong pagtutulungan dahil malaking bahagi ng kabuhayan sa mga lalawigan ay nakasalalay sa pagsasaka at pangingisda. Kapag kulang ang puhunan, irigasyon, kagamitan at access sa merkado, apektado ang kita ng mga pamilyang umaasa sa mga sektor na ito.
Kung maayos na maipatutupad ang mga programa, maaari itong makatulong upang magkaroon ng mas matatag na kita ang mga magsasaka at mangingisda, sa halip na umasa lamang sa panandaliang ayuda.
Dito masusukat ang halaga ng pamumuno ni Pacquiao sa NAPC, partikular sa kakayahan niyang pagsamahin ang mga ahensya, pakinggan ang mga pangangailangan ng mga komunidad at tiyaking nakararating sa tamang benepisyaryo ang tulong ng pamahalaan.
Siyempre, hindi matatapos sa mga pagpupulong, paggunita at paglulunsad ng programa ang laban sa kahirapan.
Aba’y kailangan ang malinaw na resulta, maayos na paggamit ng pondo at regular na pagsusuri kung talagang gumagaan ang buhay ng mga tinutulungan.
Sabi nga, ang pinakamahalagang tagumpay sa paglaban sa kahirapan ay hindi nasusukat sa dami ng mga anunsyo kundi sa dami ng pamilyang nagkaroon ng disenteng tahanan, matatag na kabuhayan at mas magandang kinabukasan.
64 