BIR EMPLOYEE TIMBOG SA EXTORTION

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa inilatag na entrapment operation sa Dipolog City noong Enero 18, 2022.

Kinilala ang suspek na si Renan Hechanova y Alforque.

Batay sa ulat na isinumite ng NBI-Dipolog District Office kay NBI Director Eric Distor, isang complainant ang dumulog makaraan umanong sabihan ito ni Hechanova at isa pang kawani ng BIR, na magbayad ng P4.5 milyong tax.

Noong Nobyembre 2021 nang unang magtungo ang complainant na lalaki upang makipag-ayos sa BIR, dahil sa ipinadalang sulat tungkol sa P4.5 milyon nitong dapat umanong bayarang tax. Sinabi rin umano ni Hechanova at isa pang kawani na maghanda siya ng P400,000.

Noong Disyembre nang muling tumawag umano ang suspek sa complainant at sinabing magbigay muna ng halagang P400,000.

Sinabihan pa umano ito na kung hindi ito magbibigay ng ganoong halaga, mapipilitan si Hechanova na iparating ito sa Regional office sa Zamboanga kung saan babayaran niya ang P4.5 milyon.

Bandang alas-4:30 ng hapon, ikinasa ng mga tauhan ng NBI ang operasyon at sa pamamagitan ng marked money na ipinain kay Hechanova ay agad itong pinosasan.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 294 (Robbery with violence against or intimidation of persons) under the Revised Penal Code, as amended; RA 3019 (Anti-Graft and Practices Act); at RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees). (RENE CRISOSTOMO)

255

Related posts

Leave a Comment