MONEY TRAIL SA 2 CALE88 ACCOUNTS PINASUSUNDAN

NANAWAGAN si impeachment adviser at trial spokesperson Ace Barbers sa mga awtoridad na sundan ang money trail matapos makumpirma sa Senate Impeachment Court na kapwa isinara noong Hulyo 2026 ang dalawang checking account ng Cale88 Foods Corp. sa Security Bank.

“Dalawang account. Parehong isinara noong July 2026. Ang simpleng tanong: saan napunta ang pera?” ani Barbers.

Sa pagdinig sa ika-35 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kinumpirma ni Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham na may dalawang peso checking account ang Cale88 sa kanilang bangko at kapwa isinara noong Hulyo 2026.

Ayon kay Cham, binuksan ang unang account noong Agosto 2024 at ang ikalawa noong Oktubre 2025. Pagsapit ng Disyembre 2025, mayroon pang ending balance na P332,530.95 ang unang account na nagtatapos sa 2013 at P21,164.27 naman sa account na nagtatapos sa 8581.

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan ang pagsasara ng mga account, lalo’t binuksan ang mga ito noong nakaupo na si Duterte bilang bise presidente at isinara habang nililitis siya sa Senado.

“When it was opened, Vice President was already Vice President. And when it was closed, of course, 2026,” ani Pangilinan.

Iginiit ni Pangilinan na mahalagang matukoy ang halaga ng perang pumasok at lumabas sa mga account, lalo’t lumitaw sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mahigit P319 milyong inward transactions mula sa mainland China o Hong Kong patungo sa Cale88.

Samantala, sinabi ni Barbers na dapat ding alamin ng mga awtoridad kung may iba pang account na may kaugnayan sa impeachment proceedings na isinara o inilipat, lalo na kung ginawa ito bilang paghahanda sa imbestigasyon o posibleng legal na hakbang para mapangalagaan ang mga ari-arian.

“You can close the account. You cannot close the money trail. May pinanggalingan ang pera. May pinuntahan ang pera. Sundan hanggang dulo,” ani Barbers.

Ayon sa kanya, hindi nawawala ang transaction history sa pagsasara ng isang bank account at maaaring gamitin ang bank records upang matukoy ang pinagmulan at destinasyon ng mga pondo.

“Hindi kailangang manghula. Bank records ang sundan. Kung na-withdraw, may record. Kung na-transfer, may destination. Kung ginamit sa ibang transaction, sundan kung saan humantong,” dagdag niya.

Halos P40M Dumaan Noong 2024

Dagdag dito, lumitaw sa pagtatanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo na umabot sa P40.14 milyon ang kabuuang perang pumasok sa isang Cale88 account noong 2024, habang P40.001 milyon naman ang kabuuang lumabas dito sa parehong taon.

Batay sa bank records na binasa ni Cham, P40,138,766.28 ang kabuuang inflow at P40,001,101.79 naman ang kabuuang outflow noong 2024.

“So halos parehas lang,” puna ni Tulfo matapos makumpirmang halos magkatumbas ang perang pumasok at lumabas sa account.

Kinumpirma rin ni Cham na may panibagong P6,265,915.66 na pumasok sa account noong 2025.

Sa pagdinig, kinuwestiyon din ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian si Cham tungkol sa mga Suspicious Transaction Report (STR) na isinumite ng Security Bank kaugnay ng Cale88.

Kabilang dito ang 12 cash deposits na itinuring na kahina-hinala dahil hindi umano tugma ang mga halaga sa idineklarang financial profile ng kumpanya.

Binasa rin ni Gatchalian ang ulat ng Security Bank na nagsabing hindi nakapagsumite ang Cale88 ng mga dokumentong magpapatunay sa pinagmulan at layunin ng mga transaksyon.

Ayon sa ulat, hindi rin tumugon ang kumpanya sa mga kahilingan ng bangko para sa paglilinaw kaya hindi nakumpirma ng Security Bank ang pinagmulan at layunin ng mga transaksyon.

Tumanggi naman si Cham na magbigay ng karagdagang detalye dahil sa mga probisyon ng batas ukol sa bank secrecy at anti-money laundering.

Sa hiwalay na pagtatanong ni Tulfo, tinanong niya si Cham kung maaaring balewalain ng mga bank manager ang Know-Your-Customer (KYC) requirements kapag may mataas na opisyal ng bangko na nag-utos na tanggapin ang deposito ng isang kliyente.

Mariing itinanggi ito ni Cham.

“We don’t do that,” sagot niya.

Ipinaliwanag ni Cham na ang anomang kuwestyonableng transaksyon ay isinasangguni sa compliance office ng bangko para sa kaukulang pagsusuri at desisyon.

“We are very strict on the KYC in the compliance,” ani Cham.

Usapin na ng National Security

Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na lumampas na sa usapin ng hindi pagdedeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang mga isyung kinakaharap ni Duterte at maaari na itong magkaroon ng implikasyon sa national security.

Sa press briefing, tinawag ni Alonto Adiong na “worrisome” ang kumpirmasyon ng AMLC hinggil sa mga transaksyong mula sa mga account sa China patungo sa Cale88 Foods Corp., na ayon sa kanya ay pag-aari ng asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio.

Ayon sa testimonya ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, nakatanggap ang Cale88 ng P319,326,770.41 na inward transactions mula sa mainland China o Hong Kong.

Ayon naman kay Alonto Adiong, dapat itong suriin hindi lamang sa usapin ng impeachment at SALN disclosure kundi maging sa posibleng paglabag sa mga probisyon ng 1987 Constitution hinggil sa business interests at pagtanggap ng compensation o emoluments mula sa foreign country.

“Hindi lang ‘yong non-disclosures sa SALN. What is so worrisome about this is there are portions of those inflow, cash na inward remittances, coming from different countries,” ani Alonto Adiong.

Binanggit din niya ang constitutional restrictions sa business interests ng mga halal na opisyal at ang pagbabawal sa pagtanggap ng anumang emolument o compensation, direkta man o hindi, mula sa isang foreign country.

Nauna nang sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakatanggap ang Cale88 ng mahigit P319 milyong pondo mula sa mga kumpanyang nakabase sa China at maging sa gobyerno ng China.

Gayunman, sa impeachment trial, nakakuha ang mga abogado ni Duterte ng kumpirmasyon mula sa AMLC na wala itong dokumentong nagpapakita ng direktang pagkakasangkot ng gobyerno ng China sa mga kumpanyang nagpadala ng pondo sa Cale88.

Iginiit naman ni Senator-Judge Risa Hontiveros na may kaugnayan sa gobyerno ng China ang hindi bababa sa dalawa sa mga kumpanyang nagpadala ng pera sa Cale88.

Ayon kay Hontiveros, kabilang dito ang China National Township Enterprises at Beijing Jiang Wei Fang Food Company.

Batay sa pananaliksik umano ng kanyang tanggapan, dating direktang nasa ilalim ng Ministry of Agriculture ng China ang China National Township Enterprises bilang state-owned agricultural enterprise.

Ang Beijing Jianweifang Food Company naman ay pag-aari ng Xinjiang Fruit Industry Group, na isa ring Chinese state-owned enterprise, ayon kay Hontiveros.

Sinabi rin niyang may bahagi ng Chinese Communist Party sa corporate structure ng Xinjiang Fruit Industry Group, habang ang chairperson ng Beijing Jianweifang Food Company ay miyembro ng Chinese People’s Political Consultative Conference (CPPCC).

(Ulat nina DANG SAMSON-GARCIA at TINA MENDOZA)

80

Related posts

Leave a Comment