LEVISTE PINAAARESTO NG MAKATI RTC

IPINAG-UTOS ng Makati Regional Trial Court (RTC) ang pag-aresto kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste dahil sa umano’y paglabag sa Public Service Act.

Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, makikipag-ugnayan agad ang mga awtoridad sa Bureau of Immigration (BI) upang alamin ang opisyal na status at kinaroroonan ni Leviste para sa pagpapatupad ng warrant of arrest.

Huling naitala na nasa France si Leviste kasama ang ina na si Senador Loren Legarda, na kasalukuyang nagpapagamot doon.

Inaasahang maglalabas ng pahayag ang kampo ng mambabatas hinggil sa mga legal na hakbang na kanilang gagawin upang tugunan ang kautusan ng korte.

Patuloy namang binabantayan ng NBI ang pagpasok at paglabas ng bansa ni Leviste upang matiyak ang maayos na pagsisilbi ng warrant of arrest sakaling bumalik siya sa Pilipinas.

Kaugnay nito, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na kailangang personal na sumailalim sa hurisdiksyon ng korte si Leviste bago siya makapaglagak ng piyansa.

Ayon kay Justice Spokesperson Polo Martinez, kailangang maaresto o kusang sumuko muna ang isang akusado at sumailalim sa hurisdiksyon ng korte bago siya maaaring mabigyan ng piyansa.

Kinumpirma ng DOJ na naglabas ang Makati RTC Branch 235 ng warrant of arrest laban kay Leviste, na may itinakdang piyansa na P72,000.

Kasama rin sa warrant ang iba pang incorporators at corporate officers ng Solar Para Sa Bayan Corporation na sina Hazel Iris P. Lafuente Buencamino at Irma C. Flaminiano.

Ayon sa DOJ, nakitaan ng prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction ang mga sangkot matapos mapag-alamang sinadya umano ng Solar Para Sa Bayan Corporation na hindi tuparin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng legislative franchise.

Nilinaw ni Martinez na nasa hurisdiksyon ng korte ang pag-isyu ng warrant of arrest at ang pagtatakda ng mga kondisyon nito.

(JULIET PACOT)

78

Related posts

Leave a Comment