PNP SA KAMPO NI VP SARA, MAGSAMPA KAYO NG KASO!

Kurdapyo ni TOTO NABAJA

IGINIIT ng Philippine National Police (PNP) na walang nangyaring rescue operation at lalong walang nangyaring pagdukot base sa alegasyon na kumalat sa social media kaugnay sa dating household staff ni Vice President Sara Duterte. Aray naku! Pakak!

Ayon sa PNP, nitong November 17 humingi ng assistance sa Fort Bonifacio Police Sub-Station 1 sa Taguig City ang 2 abogado ng dating kasambahay para samahan sila sa isang hotel sa Bonifacio Global City upang sunduin ang kasambahay at 4 na iba pa. Naturalmente sinamahan sila ng mga pulis.

Pagdating sa lugar, nandoon nga ang limang indibidwal kasama ang kasambahay, na malayang bumaba nang wala namang pumipigil, hindi rin nakakulong at wala ni bakas ng banta sa kanilang seguridad. Ambot sa bakang biyuda!

Nag-ugat ang mga alegasyon nang ibinunyag ni Atty. Paolo Panelo, spokesperson ni VP Sara, na nakatanggap ng mensahe mismo ang bise presidente mula sa dating kasambahay na nagpapasaklolo. Arruuuyyyy!

Nasa kustodiya umano ito ng ilang indibidwal at pinipilit papirmahin sa isang affidavit na naglalaman ng mga maling paratang at pinagbabantaan din ang kanilang buhay. Naloko na!

Pero lumalabas sa beripikasyon ng pulisya na kusang bumaba mula sa kani-kanilang kwarto sa hotel ang limang indibidwal at sumama sa himpilan ng pulisya nang walang pumupwersa at pumipigil. Hindi kaya nag-staycation lang? Nagtatanong lang po! Peace!

Tumanggi rin ang mga ito na mag-execute o gumawa ng kani-kanilang mga affidavit at hindi rin naghain ng reklamo hanggang sa umalis, kaya walang makitang elemento ng pagdukot at illegal detention ang PNP.

Tanging ang mga abogado ang gumawa at nagsumite ng affidavit nang maidokumento ang insidente para sa police blotter noong Nobyembre 17, 2026.

Batid ng PNP na kung totoo man ang naturang alegasyon, ay isa itong seryosong usapin na kinakailangan ng masusing imbestigasyon at patas na aksyon. Tumpak!

Pero sa puntong ito, gustuhin mang magsagawa ng PNP ng imbestigasyon, kung wala namang pormal na reklamo, saan sila mag-uumpisa. Ay abaw ah!

Kaya patuloy na hinihikayat ni PNP spokesperson P/BGen. Allen Rae Co ang kampo ng Bise Presidente na magsampa ng pormal na reklamo at handa nila itong tanggapin at aksyunan bilang apolitical na institusyon. Dapat lang mga, Sir!

Dahil sa magkaibang paniniwala ng magkabila, marapat na may magsampa ng pormal na reklamo para patunayan ng PNP ang kanilang magiging aksyon. Ambot sa bakang biyuda!

Kung hindi kumbinsido sa PNP, maaaring dalhin sa korte, pagharapin ang nagrereklamo at ang inirereklamo, ebidensya sa ebidensya at hayaang ang korte ang humusga. Ano sa palagay n’yo mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya?

32

Related posts

Leave a Comment