LUMIKHA ang Bureau of Customs (BOC) ng bagong tanggapan na tinatawag na Top Importers Office (TIO) sa bisa ng Customs Memorandum Order (CMO) No. 06-2026, bilang bahagi ng mga hakbang para mapalakas ang koleksyon ng Aduana at mapahusay ang daloy ng kalakalan.
Opisyal na inilunsad ng BOC, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ang TIO bilang mekanismo para sa mas maayos, mabilis at episyenteng pakikipag-ugnayan sa mga pangunahing stakeholder.
Binuo ang TIO bilang estratehikong tulay para isulong ang direktang koordinasyon sa pagitan ng mga pangunahing trade partner at mga operasyonal na yunit ng Kawanihan.
Sa ilalim ng CMO No. 06-2026, magsisilbi ang tanggapan bilang pangunahing sentro ng koordinasyon para sa mga nangungunang importer at pinuno ng industriya.
Layunin nitong isulong ang patuloy na konsultasyon, pagpapahusay ng frontline services at pagbuo ng mas maayos at maaasahang kapaligiran para sa kalakalan.
Nagsagawa na ang BOC ng serye ng mga pagpupulong at konsultasyon kasama ang mga nangungunang importer mula sa iba’t ibang industriya, kung saan ipinakilala ang TIO bilang central hub ng koordinasyon at pangunahing point of contact ng mga kumpanya sa Kawanihan.
Kabilang sa mga nakapanayam ang mga pangunahing kumpanya sa energy at petroleum sector gaya ng Insular Oil Corporation, Shell Pilipinas Corporation, Petron Corporation, Chevron Philippines Inc., Seaoil, Unioil at Jetti Petroleum.
Ipinakilala rin ang TIO sa mga pangunahing kumpanya sa aviation, automotive, technology, food, healthcare at manufacturing sectors, kabilang ang Philippine Airlines, Mitsubishi, Suzuki Philippines, HP PPS Philippines, Coca-Cola Europacific Aboitiz, Mondelez, Monde Nissin, Century Pacific Food, Golden Arches Development Corp., Mondo Cucina, Wills International, IE Medica, Medethix, Lifeline Diagnostics Supplies, Concepcion Durables, Concepcion-Carrier at SCG Marketing.
Sa mga konsultasyon, inilatag ng mga kinatawan ng kumpanya ang kanilang mga concern sa operasyon, kabilang ang import clearances, processing delays at koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang tanggapan ng BOC.
Bilang bahagi ng mga unang programa ng TIO, nagtatag ang tanggapan ng organisadong assistance at monitoring mechanisms upang matiyak na sistematikong naipararating sa mga kaukulang tanggapan ng BOC ang mga concern para sa mabilis na pagsusuri at aksyon.
Kasabay nito, tiniyak ng BOC ang mahigpit na pagsunod sa mga batas at kumpletong dokumentasyon sa mga transaksyon.
“Ang Top Importers Office ang magiging direktang tulay natin sa mga pangunahing stakeholders para mas maging mabilis at malinaw ang ating koordinasyon. Through open dialogue, we will not only respond to operational issues, but we will also identify the root cause of problems to provide lasting solutions. Mababawasan natin ang mga pagkaantala habang sinisiguro na buo ang koleksyon ng gobyerno at ligtas ang ating mga hangganan,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Ang pagtatatag ng TIO ay bahagi ng agenda ng BOC sa Integridad, Pananagutan at Modernisasyon, na nakatuon sa pagpapahusay ng serbisyo sa Aduana.
Direkta rin itong sumusuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagbutihin ang ease of doing business sa bansa.
Patuloy na makikipag-ugnayan ang TIO sa mga stakeholder upang maisulong ang pangmatagalang pagpapabuti sa mga serbisyo ng BOC.
(JESSE RUIZ)
41 