INAPRUBAHAN na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 9532 o ang panukalang “Universal Access to Digital Academic Learning Resources Act” na naglalayong tugunan ang hindi pantay na access ng mga estudyante sa learning materials at maaasahang internet connection.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, sa ilalim ng panukala ay mabibigyan ang mga estudyante sa pampubliko at pribadong higher education institutions (HEIs) ng libreng access sa mga digital textbook at iba pang academic resources, gayundin ng libreng high-speed Wi-Fi sa kanilang mga kampus.
“Today, a student who cannot afford textbooks or reliable internet access is already starting at a disadvantage. Isipin natin ang isang estudyante na kailangang mamili kung bibili ng libro at magpapaload para makapag-research, o gagamitin ang pera para sa pamasahe at pagkain. Through this bill, our youth do not need to make this painful choice,” ani Dy.
Sa ilalim ng HB 9532, itatatag ang National Academic Content Repository (NACR) sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED), katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga HEI.
Magbibigay ito ng libreng online access sa mga digital textbook, lecture video, syllabus, research paper at iba pang open educational resources para sa mga estudyante at guro sa buong bansa.
Nakapaloob din sa panukala ang pagkakaroon ng libre at campus-wide na high-speed Wi-Fi para sa mga rehistradong estudyante at guro sa pampubliko at pribadong HEI.
Binigyang-diin ng Speaker na mahalaga ang pagpapalawak ng digital access dahil nagiging mahalagang bahagi na ng edukasyon, pananaliksik at trabaho ang teknolohiya.
“Young Filipinos are preparing for a world where digital skills are no longer optional. We have to make sure that lack of money, connectivity, or access to learning materials does not prevent a capable Filipino student from reaching his or her potential,” pagtatapos ni Dy.
(TINA MENDOZA)
30 